Una sa Balita

MGA KWENTONG OFWS: 25 pang ‘undocumented’ OFWs mula sa Saudi, nakauwi na

By
0 15

Dumating kahapon ang panibagong batch ng mga undocumented overseas Filipino workers (OFW) mula sa Kingdom of Saudi Arabia sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 kahapon ng hapon.

Dakong alas-4:30 ng hapon nang dumating ang 25 OFW na sakay ng Etihad Airways Flight 424 at sinalubong ng mga opisyal ng Overseas Workers Welfare and Administration (OWWA) sa NAIA Terminal 1.

Ayon sa OWWA, labing-pito sa mga OFW ang lalaki samantalang walo ang babae.

Isa sa kanila si Wilson Buenavista, 35-anyos, na tubong Dumaguete, nagtungo sa Riyadh at nagtrabaho bilang family driver.

Aniya, halos tatlong buwan siyang hindi pinasahod ng kanyang employer kaya pitong buwan siyang nag-part time job sa Saudi.

“Halos wala po akong makain doon hirap na hirap ako, minsan may trabaho minsan wala kung ano-ano na lang ang pinapasukan kong trabaho mabuhay lang po ako doon” ani ni Buenavista.

Kaya nagdesisyon na lamang siyang umuwi dahil sa halos siyam na buwan siyang walang makain.

Aniya, tumakas siya sa kanyang amo na si Hanan Akbar Alongan dahil sa hindi na siya nakakatanggap ng suweldo.

Bukod pa dito aniya halos isang taon siyang nagtrabaho sa kanyang amo at nagbago na ang trato at pinahirapan na siya.

Pinapirma naman ang mga OFW ng information sheet at tinanong sila ng mga kawani ng OWWA kung ano ang mga kinakailangan nilang tulong.

Sinabi pa ng OWWA na pag walang sundo ang mga dumating na OFW o malalayong probinsiya ang uuwian ay pansa­mantalang dadalin muna sila sa tanggapan ng OWWA sa FB Harrison, Pasay City at ihahatid ang mga ito sa kani-kanilang mga probinsiya at bibigyan ng financial na tulong.