Una sa Balita

Mga Kwentong OFWs: 2,000 undocumented OFWs nakatanggap ng exit visa

By
0 5

Aabot sa 2,000 undocumented overseas ­Filipino workers (OFWs) ang napagkalooban ng exit visa ng pamahalaan ng Kingdom of Saudi Arabia para makauwi na ng Pilipinas.

Ito ang sinabi ni Overseas Workers Welfare ­Administration (OWWA) Administrator Hans Leo J. Cacdac kung saan inaasahan na makakasama ito sa 4,000 hanggang 5,000 amnesty availees na ­tumugon sa 90-araw na amnestiya o ‘Nation without ­Violations’ ng KSA na magtatapos sa Hunyo 29.

“Sa ngayon, pumapalo na sa mahigit isang libo ang mga nakauwi nang OFWs at mayroon pang mga 2,000 na mabigyan na rin ng exit visa. Mayroon pa tayong ine-expect na 4,000 to 5,000 ­amnesty availees until June 29 or sa loob pa ng kalahating ­buwan,” sabi pa ni Cacdac.

Noong nakaraang araw ng Huwebes ay dumating ang nasa 147 OFWs mula sa Riyadh kung saan nakatanggap ng tulong mula sa OWWA kabilang ang ­airport assistance, psycho-social counseling/stress debriefing, at medical referral.

Nakatanggap ang mga ito ng P5,000 cash ­assistance mula sa Department of Labor and ­Employment (DOLE) at OWWA kabilang ang mga kababaihan na may dalang anak na nakatanggap ng dagdag na P5,000 mula sa Department of Social ­Welfare and Development (DSWD).

Maliban dito, nangako ang DOLE sa pamama­gitan ng Assist WELL (Welfare, Employment, Legal and Livelihood) na magkakaloob ng local at ­overseas employment referral, livelihood assistance, legal at conciliation services, competency assessment, at training assistance sa mga repatriated at distressed OFWs.

“Ang malawakang programa ni President Duterte at ni Labor Secretary Bello is to give our OFWs ­genuine options. Lalatagan natin sila ng mga livelihood programs and sila ang mamimili. They can start with small enterprises or enhance their skills and get another job opportunity here in our country for good,” paliwanag ni Cacdac.

Makakatanggap ang mga umuwing OFWs ng livelihood starter kit na nagkakahalaga ng P10,000 hanggang P20,000 sa ilalim ng Balik-Pinas! Balik-Hanapbuhay! program ng National Reintegration Center for OFWs (NRCO).