Mga Kwentong OFWs: 18,000 OFWs inayudahan ng Assist WELL

By

Aabot sa 18,577 repatriated overseas Filipino workers (OFWs) ang natulungan ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa ilalim ng programang Assist WELL.

Sa ulat na isinumite kay Labor Secretary Silvestre Bello III, ang National Reintegration Center for OFWs (NRCO), ang ahensya na namamahala sa operasyon ng Assist WELL Processing Centers, ay sinabing marami sa mga OFWs na naserbisyuhan ay mula sa Kingdom of Saudi Arabia na may kabuuang 8,770 at sinundan ng Taiwan na may 1,829 OFW.

Sinasabing isang komprehensibong programa ang Assist WELL na nagbibigay ng reintegration assistance at serbisyo na tumutugon sa mga panga­ngailangan sa Welfare, Employment, Livelihood at Legal (WELL) ng mga umuwing OFWs.

Samantala, may kabuuang 6,721, o 36.18 porsiyento ng mga OFWs ang naserbisyuhan matapos na matanggal sa kanilang trabaho dahil sa pagkakakansela o postponement ng mga proyekto ng kanilang employer, downsizing/cost-cutting/redundancy o financial losses.

Ang malaking bilang naman ng mga OFWs na umabot sa 5,169 ay nagreklamo kaugnay sa paglabag sa kanilang mga kontrata.

Mahigit 4,000 naman ang bumalik sa bansa dahil sa pagpapatigil ng kanilang kontrata sa trabaho; 1,355 ang nagdesisyong manatili sa Pilipinas; 543 ang umuwi dahil sa kadahilanang pangkalusugan; 397 ang dahil sa krisis sa kanilang mga bansang pinapasukan; 165 ang biktima ng illegal recruitment at 64 ang bumalik dahil sa pagkawala ng bisa ng kanilang Visa.

Samantala, kabilang naman sa mga ayudang ibinigay ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa mga OFW ay ang counseling, airport assistance, temporary accommodation sa OWWA Hostel, emergency medical assistance at tulong sa transportasyon patungo sa kanilang tirahan.

May kabuuan namang 3,419 OFWs ang humingi ng tulong legal ang nabigyan ng payo at ayuda sa paghahain ng kanilang reklamo laban sa mga employer at lokal na agency sa tulong ng National Labor Relations Commission (NLRC), DOLE-Legal Service at ng National Conciliation and Mediation Board (NCMB).


SHARE