Mga korap, isang text na lang

Bilang na ang araw ng mga korap, tamad at inutil sa gobyerno dahil maaari na silang isumbong sa pamamagitan ng text messaging sa 8888.
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, na maaari nang gamitin ang 8888 para isumbong sa Citizen’s Complaint Center (CCC) ang mga opisyal at kawani ng gobyerno na gumagawa ng kalokohan at pagsasamantala sa publiko.
Ang bagong platform ay inilunsad noong November 3 na inaasahang magpapalakas sa kampanya kontra katiwalian pati na sa magandang serbisyo ng gobyerno sa publiko.

“We wish to inform the public that the Office of the President (OP) has added an 8888 short message system (SMS)/ text service platform to the 8888 Citizens Complaint Center, one of the offices of OP Strategic Action and Response Office,” ani Roque.
Ayon kay Roque, libre ang pagpapadala ng reklamo o hinaing laban sa mga kawani ng gobyerno sa 8888 CCC kahit pa Globe o Smart ang gamit para mabilis na maaksiyonan ng Malacañang.
“Those who are corrupt, lazy, incompetent in the government, be forewarned. You are now one text away,” dagdag ni Roque.
Una rito, nangako si Pangulong Rodrigo Duterte na gagamitin niya ang natitirang dalawang taon ng kanyang termino para habulin at panagutin ang lahat ng mga tiwali sa gobyerno. (Aileen Taliping)