Una sa Balita

Mga karerista natuwa sa panalo ni My Shelltex

0 283

NASIYAHAN ang mga karerista sa bakbakang naganap sa 2019 PHILRACOM Three-Year-Old Locally Breed Stakes Race sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite nitong Linggo.

Maaksyon agad ang nasilayan sa simula ng karera sa event na pinagwagian ni My Shelltex.

Lutsahan sa unahan sina My Shelltex at liyamadong Silab hanggang sa huling kurba ay nagkapanabayan ang dalawa sa 1,800-meter race.

Palitan sa pagkuha ng bandera at pagsapit ng home turn ay hawak na ni Silab ang unahan pero ulo lang ang pagitan sa winning horse.

Walang tigil naman na pinatikim ni former Philippine Sportswriters Association (PSA) Jockey of the Year awardee Jessie Guce ng palo ng latigo si My Shelltex kaya naagaw ang bandera at angkinin ang korona sa nasabing karera.

“Iba ‘yung nilabanan ni My Shelltex kaya dito sa 3-year-old kaya niya ito,” saad ni Bernardino Caballes, nakasaksi ng laban.

“Nasa tabing balya kami, kaya kahit paano nakapagpahinga ng konti,” ani Guce, anak ni dating star jockey na si Jesus “El Maestro” Guce.

Nirehistro ni My Shelltex ang ti­yempong 1:55.2 minuto, nakopo ng kuwadra nito ang P300,000 habang P112,500 ang napunta sa owner ni Silab na pangalawang tumawid sa finish line.

May P62,500 ang naiuwi ng terserong Weather Lang habang P25,000 ay nahamig ng fourth na Electrify.

Naibulsa naman ng breeder ng winning horse ang P15,000 na inisponsoran ng Philippine Racing Commission. (Elech Dawa)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy