Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Mga kailangang tandaan bago magbakasyon sa El Nido

0 620

Isa sa mga pinakasikat na tourist destination ang El Nido. Isa ito sa mga pinaka-popular na lugar sa Palawan. Paborito ng mga beach-lovers, Pinoy man o galing sa ibang bansa, dinudumog ang beach, lagoon at limestone cliffs sa lugar. 

Hindi madaling puntahan ang Secret Beach sa Matinloc Island, pero dinadayo pa rin ito ng maraming tao. Napapaligiran ito ng matataas na bangin, kaya hindi nakakapasok ang mga bangka sa lugar. Kailangang lumangoy sa maliit na butas para makita ang kagandahan ng lugar. Kahit na may kahirapang pumunta rito, hindi pinapalampas nang marami ang pagbisita dahil sa ganda ng tanawin. 

SM SuperKidsDay Banner Ad

Para sa mahilig mag-snorkelling, Shimizu Island naman ang dapat puntahan. Malalim ang tubig dito. Punong-puno ang lugar ng coral reefs at iba’t-ibang klase ng isda. Sa ibang mas gustong mag-relax, puwedeng bumisita sa Seven Commandos Beach, Las Cabanas Beach o Hidden Beach. 

Mas mainam na kumuha ng tour para makapag-island hopping sa lugar. Sa ganitong paraan, mas maraming tanawin ang mabibisita ng turista. Kaya nga lang, dahil sa COVID-19 pandemic, hindi basta-basta ang pagpunta sa El Nido. May mga striktong rekesitos kailangang sundin para sa kaligtasan ng mga residente, pati na rin ng mga dayo:

  • Health Declaration Form – Kailangang kumpletuhin ang Health Declaration Form bago kumuha ng flight. Maaaring i-download ang form sa https://elnidotourism.ph/. 
  • Negative RT-PCR swab test – Strikto ang El Nido pagdating sa monitoring ng kalusugan ng mga turista. Dahil dito, isang requirement ang swab test mula sa accredited na laboratoryo. Tinatanggap lamang ang negatibong resulta sa loob ng 48 na oras. Mas maiging i-skedyul ang test dalawang araw bago ang flight.
  • Pre-booking ng hotel – Hindi na tinatanggap ang mga walk-in sa mga hotel at lodging. Bago ang flight, kinakailangan nang mag-book online sa mga establismyentong may Certificate of Authority to Operate. Makikita ang listahan ng mga hotel na sertipikado ng Department of Tourism sa https://philippines.travel/safetrip/el-nido. 
  • QR-coded Tourist ID (QT-ID) – Para makuha ng Tourist ID, kailangang i-sumite ang unang tatlong rekesitos sa opisyal na website ng El Nido. Siguraduhing laging may dalang pisikal o digital na kopya ng QT-ID.
  • Tourist-One-Stop-Site – Bawal ang stopover at layover flights bago pumunta sa El Nido. Mula sa airport, kailangang diretso na sa isla ang lapag. Kailangang ipakita ang mga kinakailangang dokumento sa Tourist-One-Stop-Site (TOSS). Magkakaroon din ng health checks dito.
  • Island hopping – Pinapaalalahanan ang mga turistang magdala ng sariling pagkain at inumin para mabawasan ang contact sa ibang tao. Hindi puwedeng gumamit ng single-use plastic sa El Nido. Kailangan ding magdala ng sariling mask, snorkel at iba pang gamit pang-langoy dahil bawal na ang rental ng mga ito. Striktong ipinapatupad ang social distancing. 

Low-risk na lugar ang Palawan, partikular na ang El Nido. Simula noong Setyembre 22,  2020, dalawang kaso lang ng COVID-19 ang naitala rito. Sa mga nagpaplanong bumisita sa lugar, sundin lamang ang rekesitos na itinalaga ng Department of Tourism para masiguradong ligtas ang inyong bakasyon. Para sa karagdangang kaalaman, bumisita sa https://philippines.travel/safetrip. 

In-house Wendys Banner – square

Leave A Reply

Your email address will not be published.