Una sa Balita

Mga kabataang nalihis sa liwanag—Puwede pang magbago?

By
0 1,069

Napakarami nating naririnig na kuwento tungkol sa mga kabataang hirap sa buhay na kinakailangang kumapit sa patalim para mabuhay.

Ang iba’y bumabaling sa pinagbabawal na gamot, ang iba sa kulungan ang kinararatnan dahil sa pagnanakaw o panghoholdap.

Malimit natin hinuhusgahan ang mga batang ito. Ang iba nating mga kababayan, iniisip na hindi na nila kailan pa man kayang magbago.

Abante Hiring – IT dep

Totoo bang wala nang pag-asa?

Mayroon. Mahirap pero kaya nila.

Katulad nalang ng kuwento ni Christopher Solis. Nakilala ko siya nang maging bisita siya sa radio show ni VP Leni Robredo nonog nakaraang buwan sa BISErbisyong Leni.

“Noong ako po’y nasa murang edad pa po, marami po akong pinagdaanan na hindi magaganda,” kuwento ni Christopher. “At talaga pong sadyang napakadilim, kung saan sa murang edad nakaranas na po akong makapagbisyo, makipagbarkada sa hindi magagandang kaibigan, at halos naging sakit na rin po ako ng lipunan. Salot ng lipunan ba kung tawagin.”

Nanghoholdap si Christopher dati kasama ang barkada para may pangbisyo. Umabot sa puntong nabaril siya sa spinal cord ng pulis, at napirme sa ospital.

Sabi ni Christopher, sa pamamagitan daw ng mga doktor at nars na nag-asikaso sa kanya sa ospital, nakita niyang mali ang ginawa niyang pamumuhay. May nakilala rin siyang pastor sa ospital, na siyang tumulong para baguhin ang pananaw ng dating magnanakaw.

“Ang tanging masasabi ko lang po, maiiwan kong mensahe sa mga kapatid ko na dumadanas ng kahirapan sa buhay, wala naman pong ibang makakaresolba ng problema natin kung hindi ang ating Panginoong Diyos lang po,” kuwento ni Christopher.

“Ipagkatiwala po natin ang buhay natin sa Kaniya, magtiwala po tayo ng buong puso at tanging Siya lang po ang kikilos kung paano mapapabago ang buhay natin,” dagdag niya.

Isa pang nakakamanghang istorya ng pag-asa ay ang kuwento ng Urban Crew Dance Group na umabot sa grand finals ng Asia’s Got Talent sa Singapore.

Isang grupo ito ng mga dancers na binubuo ng mga kalalakihang may iba’t ibang pinanggalingan. Ang iba’y mga out-of-school-youth, ang iba’y mga batang palaboy, at mayroon ding dating rugby boy.

Sa pamamagitan ng pagmamahal nila sa pagsasayaw, pinagsama-sama sila ng tadhana. Hanggang sa nakabuo sila ng isang grupong ngayo’y ipinagmamalaki nila at ng buong bayan.

Ngayon, sila na mismo ang gumagawa ng paraan para makatulong sa mga batang nasa lansangan. Sa kanilang maliit na paraan katulad ng feeding program, binibigyan nila ng pag-asa ang mga batang kailangan ng kaunting tulong para mabago ang tingin sa mundo.

Sabi ni JR Geocada na miyembro ng grupo, “Nagbibigay po kami, feeding program po. Mga nakikita po namin sa kalye. Nag-iikot po kami naka-motor tapos binibigyan po namin ng pagkain.”

“Parang pasasalamat na rin ‘di ba. Kasi po ang iba sa amin ganoon lang din ang pinanggalingan. Alam namin ang hirap nila. Kumbaga para kahit kaunti makapagbigay ng kaunting kaligayahan man lang kahit saglit,” dagdag niya.

Ilan lamang ito sa marami pang istorya ng pag-asa ng pagbabago. Sila ang mga kababayan nating napakadilim man ng pinagdaanan ay nakita pa rin ang liwanag at nakuhang baguhin ang kuwento ng kanilang buhay.

Lahat tayo nagkakamali, pero lahat din may kakayahang magbago. Sana lahat din, katulad nila Christopher at ng Urban Crew, mabigyan ng pagkakataong baguhin ang kanilang kinabukasan.

***

Si Georgina Hernandez ang tagapagsalita ni Vice President Leni Robredo. Siya rin ang namumuno sa Angat Buhay program ni VP Leni. Layunin nitong tulungan ang pinakamahihirap na komunidad sa ating bansa sa pakikipag-partner sa mga pribadong kompanya at iba pang volunteer groups. Mag-email sa kanya sa angatbuhay@gmail.com o mag-text sa 0916-705-0273.