Una sa Balita

Mga kababayan, ‘di ko kayo pababayaan

0 780

Nakarating sa aking impormasyon na maraming Bicolano ang stranded at kasalukuyang nanunuluyan sa Redemptorist Church sa Baclaran, Parañaque. Kaya nitong nagdaang araw ay binisita ko sila para personal na makausap at bigyan ng tulong.

Umaabot sa 43 kong kababayan ang inabutan ko sa simbahan. Naipit sila sa pinatupad na enhanced community quarantine kaya hindi na makauwi sa Bicol. Binigyan ko sila ng COVID-19 test kits, mga de-latang pagkain, instant noodles at bigas. Bukod dito, nagbigay din ako ng financial assistance sa kanila upang magkaroon naman ng laman, hindi lang ang kanilang tiyan kundi pati na rin ang kanilang bulsa.

Pinaliwanag ko sa kanila ang kahalagahan ng test kits. Ito ay para mamonitor ang lagay ng kanilang kalusugan kung may sintomas na sila ng coronavirus. Tiniyak ko rin sa kanila na maghahanap ako ng pansamantala nilang tirahan habang umiiral ang Luzon-wide lockdown.

Nakapalaking tulong ang nagawa ng Redemptorist Church sa mga naistranded kong kababayan kaya kusa na akong nagbigay ng financial assistance sa simbahan para magamit nila sa kanilang social welfare program upang mas marami pa silang matulungan.

Patuloy din ang pagbibigay ng inyong lingkod at ang Ako Bicol Party-list sa mga frontliner sa Bicol region. Nakalulungkot lang na may isa nating kababayan ang namayapa, isang 66-anyos na lalaki mula sa Naga City. In-admit siya sa Bicol Medical Center noong gabi ng Abril 2 at kinabukasan ay namatay. Dumating lang ang resulta ng test noong Abril 6. Siya ang ika-12 mula sa 13 naitalang nagpositibo sa coronavirus sa Bicol region.

Wala pang makapagsabi kung hanggang kailan matatapos ang krisis na ito kaya naman masusing pinag-aralan ng Inter-agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Disease ang rekomendasyon kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa pahayag ni Pangulong Duterte nitong Lunes nang gabi, sinabi niya na kailangang palawigin hanggang Abril 30 ang lockdown dahil sa hindi pa rin humuhupa ang problema ng COVID. Subalit bakat sa mukha ng pangulo ang kalungkutan kung saan kukuha ng pondo lalo na kung tumagal pa ang problema sa coronavirus outbreak.

Naglaan ang Pangulo ng P200 bilyon para pondohan ang social amelioration program ng Department of Social Welfare and Development at kahalati nito ay ni-release na ng Department of Budget and Management para maipamahagi na sa 18 milyong mahihirap na pamilya ngayong Abril. Ang karagdagang P100 bilyon ay ire-release naman sa buwan ng Mayo.

May gobernador na sumulat kay Pangulong Duterte na sana’y isama rin sa bibigyan ng cash aid ang mga middle class na pamilya. Gustuhin man ng Pangulo na pagbigyan ito dahil nangangailangan din sila ng ayuda, kapos naman sa pondo ang gobyerno. Sa kabila nito, inatasan niya ang mga economic manager na pag-aralan kung paano mabibigyan ng ayuda ang mga nangangailangan din na middle class na pamilya o yaong mga nabibilang sa class C ng lipunan.

Sa desisyon ng Pangulo, kailangan natin siyang suportahan dahil ang kabutihan lang naman ng sambayanan ang kanyang hangad. Unawain din natin kung bakit hindi lahat ng mamamayan ay hindi maaabutan ng tulong pinansiyal. Mahalaga rin ang tulong ng pribadong sektor para maharap ng gobyerno ang krisis na ito.

Abante – Wendys Inhouse Ad

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More