Una sa Balita

Mga impluwensya ko na mahalin ang kasaysayan

0 319

“To become a TV or radio commentator, politician or any professional sideline.” ‘Yan ang nakalagay na ambition ko sa aking elementary yearbook noong 1997 sa Tarlac First Baptist Church School. Pero paano nga ba ako naging historyador?

Sa aking maikling talambuhay na ‘Sa Pusod ng Kasaysa­yan’ na isinulat noong 2005, naikuwento ko na nang ako ay isilang noong 1984, ang pinutol na ­pusod ko ay ­ibinalot ng ­aking mga magulang sa lumang diyaryo at idinikit sa kisame. Nakita rin ng mga magulang ko ang karo ng bangkay ni Ninoy Aquino nang dumaan ito sa Caloocan noong 1983 habang ako ay ipinagbubuntis. Sa aking paglaki napapanahon ko sa telebisyon ang mga eksena ng People Power at post-EDSA.

Ikinuwento rin ng aking Lola ­Ching Chua, na isang ­titser sa public school, sa akin ang tungkol kina Marcos at Imelda at kung papaanong marami siyang kaibigan na nawala noong Martial Law. Ikinuwento rin niya sa akin noon kung gaano kamahal ng tao si ­Pangulong Magsaysay. Nang magpunta siya sa Canada, malaki ang naitulong niya sa pagpapaaral sa akin at ang ­pinadala niyang 1957 ­Collier’s Encyclopedia ay binabasa ko kapag hapon matapos ang klase ko. ­Nahanap ko rin sa bahay ng aking nanay ang ‘Marcos of the Philippines’, ‘World History’ ni Gregorio Zaide.

Naaalala ko rin ang mga librong nahiram ko sa aklatan o sa mga kaklase na pumukaw sa aking interes: ‘Ninoy: The Willing Martyr’ ni ­Alfonso Policarpio, ‘Diwang Filipino’ ng Aklat Adarna, ‘Nine Letters’ ni Cynthia Baron at Melba Suazo.

Dalawang taon din akong nanalo ng medalya sa patimpalak sa Sibika ng Tarlac Private Schools Association Meet (silver 1994, gold 1995). Magagaling lahat ang mga naging guro ko sa TFBCS pero ang sigasig ni Bernie S. de Vera sa pagtuturo ay talagang nakaapekto sa akin, nag-field trip kami sa probinsya ng Tarlac sakay ang jeepney at ­ipinakilala sa akin ang musical ni Gary Granada na ‘Sino Ka Ba Jose Rizal’.

Pero nagbago ang buhay ko nang ­mabasa ko noong 1995 sa edad na labing-isang gulang ang aklat ni Ambeth R. Ocampo na ‘Rizal Without The Overcoat’. Doon ko unang naisip na ang cool siguro na maging historian. Paglipas ng isang taon, ­ipinagdiwang ang ika-isandaang taon ng pagkamartir ni Jose Rizal.

Noong first year high school ako, gabi ng September 21, 1997, nakabili ako sa Uniwide Tarlac ng Reader’s Digest edition ng Majesty ni Robert Lacey at pag-uwi namin, napanood ko ang dokumentaryo ni Kara Magsanoc na ‘Batas Militar’ sa ABS-CBN at doon ko sinabi sa sarili ko na gusto kong patuloy na ikuwento ang kuwento ng mga biktima ng human rights violations sa aking kapwa kabataan. Ito na ang simula ng paglalakbay ko tungo sa aking propesyon ngayon bilang guro.

At paglaon, histor­yador na media commentator na rin.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More