Una sa Balita

Mga guro hindi tinitiktikan — Palasyo

0 353

KINALMA ng Malacañang ang sektor ng mga pampublikong guro kaugnay sa ulat na isinasailalim umano sa surveillance ang ilang miyembro ng Alliance of Concerned Teachers o ACT.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na itinanggi na ng Philippine National Police (PNP) ang paha­yag ng ACT kahit na kilalang konektado ang grupo sa mga makakaliwa.

Ayon kay Panelo, tungkulin ng PNP na magmonitor at kung wala namang ginagawang masama ay walang dapat na ikatakot.

“Itinanggi na yan ng PNP. Siguro ang nakikita ko diyan, baka yung pino-profile ay yung nakikita ng PNP na maling ginagawa nila. Kasi ang ACT is a legal organization na identified sa kaliwa. If you are not doing anything why should you be afraid?,” ani Panelo.

Binigyang-diin ni Panelo na baka isa o da­lawa lamang na hardcore leader ang minomonitor ng pulisya pero hindi lahat ng mga guro.

Binigyang-diin ng kalihim na mahal ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga guro dahil ang nanay nito ay dating guro, at walang dahilan para tiktikan ang mga ito.

“Si Presidente nga eh, inaalagaan ang mga teachers. Di ba nangako siya na dodoblehin ang suweldo nila. I remember ang nanay yata ng Presidente ay teacher din gaya ng nanay ko kaya malapit sa kanya ang mga teachers­ kaya walang dapat na ipangamba,” dagdag pa ni Panelo. ­(Aileen Taliping)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy