Una sa Balita

Mga GrabFood rider lugi sa mga kinakanselang order

0 269

PAGKATAPOS i-deactivate ang libo-libong drivers ng Grab, dumarami naman ngayon ang reklamo tungkol sa mga Grab motorcycle riders na nasa GrabFood na nalulugi kapag kinakansela ng mga customer ang order.

Nanawagan ang netizen na si Cee Cee sa Facebook na maawa naman sa mga GrabFood riders na nakan­kanselahan ng order dahil sila ang nag-aabono sa mga ino-order sa restaurant at binabayaran na lang sila pag na-deliver.

Nung Hunyo 5, may nag-order ng P975 na halaga ng pagkain ang isang taga-Carnival Park St. sa BF Resort. Nabili na ng Grab driver ang pagkain at ide-deliver nang kinasela ang order.

“Isang libo lang daw ang puhunan niya para sa araw na to ginanyan mo pa,” shoutout ni Cee cee sa nag-order. “Sana kung d ka makapaghintay ikaw na lang ang pumila..sobrang haba ng pila sa Macao kanina. Be considerate naman po kayo dahil namumuhunan din ang mga drivers na yan. Maliit lang na halaga ang kinikita nila ipagdadamot nyo pa,” sabi ni Cee cee.

Abril pa nababahala ang mga netizen sa para sa mga GrabFood driver. Sabi ni Cristly Jean Monta, natiyempuhan lang niya ang isang tao nu’ng April 10 na nakikiusap na ibenta na lang ‘yung binili niya. “Mangiyak-ngiyak po siya kasi wala siyang pera para palitan ‘yun because the customer cancelled his/her order ‘tas malapit na siya sa location na-traffic lang kaunti.

Sana naman sa mga mag-o-order ng GrabFood e consider niyo naman po ang traffic at tsaka ang pagpila pa ng driver para sa cravings niyo,” sabi niya. Kasalukuyang inaaksyunan na ng Grab ang problema.

Sabi ng GrabFood Ph sa isang rider, iba-ban o ide-deactivate na nito ang account ng mga customer na maraming beses nang nagkakansela ng order nang walang maayos na dahilan.

Para sa mga rider naman, sinabihan sila ng Grab na ire-reimburse ang kanilang inabono basta’t dadalhin nila ang pagkaing binili at ang resibo sa tanggapan nito.

Dagdag pa ng GrabFood PH, inaayos na nito ang isang cashless payment feature sa App.

Sabi ng GrabFood PH, hindi na puwede magkansela ng order ang customer sa oras na tanggapin na ng rider ang transaction para sa GrabFood service.

Maaring hindi magpakita ang customer pagdini-deliver na ang pagkain. Sa ganitong mga sitwasyon, alam naman daw ng mga rider na maari nilang dalhin ang hindi binayarang pagkain sa pinakamalapit na GrabFood Hub para maiproseso ang kanilang reimbursement. (Eileen Mencias)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy