Una sa Balita

Mga government regulator para ba kanino?

By
0 721

Bukas araw ng Huwebes, Ika-26 ng Abril, sarado na sa mga turista ang pamosong isla ng Boracay.

Isinara ang ‘world class tourist destination’ dahil sa kasakiman ng mga nego­s­yante at kapabayaan. Sinaula rin ang lugar ng mga bumibisita sa lugar.

Anim na buwan na isasara ang Boracay sa komersiyo at tanging mga residente lamang ang matitira kasama ang mga itinalagang mga sundalo at pulis para masiguro na maayos na maipatutupad ang rehabilitasyon ng isla.

Nakalulungkot ang pangyayaring ito dahil may mga kababayan tayong maapektuhan ang kabuhayan. Di bale na ang malala­king negosyante, kaya nilang pangalagaan ang kanilang sarili, nagkamal na sila ng malaking kita.

Ang hagupit at latay ng pagsasara ng isla ay lubusang mararamdaman ng mga arawan lamang ang kita.

***

Para saan ba talaga ang mga ‘government regulator:’ sa taong bayan o sa sektor na binabantayan?

Halimbawa ang ­Energy Regulatory Commission o ERC, sa mga power company ba o sa mga consumer? Ang bayarin sa kur­yente ang mahal kaya.

Ang National Telecommunications Commission o NTC, sa mga TELCOS ba o subscri­ber? Palpak na nga ang signal, may nakaw load pa.

Ang Metropolitan Water and Sewerage System o MWSS sa mga water concessionaire ba o mga consumer? Ang mahal ng bayarin sa tubig, mahina pa ang tulo sa gripo.

Ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board O LTFRB, sa publiko ba o sa transportasyon? Tulad ng grabeng Grab, hindi kayang disiplinahin, hinahanap pa nga ng isang kongresista ang bilyong pisong sobrang singil sa mga pasahero nito.

Ang suweldo ng mga nasa ahensiyang ito, galing sa buwis ng taong bayan.

Hindi pa nag-iinit sa upuan bilang PNP Chief si Director Ge­neral Oscar Albayalde, umaray agad ang grupo na maaring maapektuhan sa ipatutupad ng ‘internal cleansing’ sa organisasyon.

Ginamit ng mga ‘umaray’ ang social media para batikusin ang kanilang hepe.

Malaki talaga ang problema ng PNP sa mga tao nito lalo na pagdating sa disiplina.

Tinawag ito ni Alba­yalde na ‘insubordination’ at nagbanta na hindi palalagpasin ang insidente ng kawalang galang ng mga pulis sa kanilang ‘superior officer.’

Abangan ang mga susunod na araw.