Una sa Balita

Mga gold medalist sa SEAG doble ang insentibo — Bambol

0 395

DODOBLEHIN ng Phili­ppine Olympic Committee (POC) ang maiuuwing insentibo ng bawat pambansang atletang makaka-ginto sa 30th Southeast Asian Games.

Ito ay matapos na ihayag ng POC nitong Biyernes na ang mother sports association sa bansa ay magbibigay din mismo ng P300,000 para sa mga atleta na magwawagi ng gintong medalya lamang sa kada dalawang taon na SEA Games na sisipa sa Nobyembre 30 at magtatapos sa Disyembre 11.

Inihayag ni POC Presi­dent Abraham ‘Bambol’ Tolentino ang desisyon sa pagpupulong kasama ang buong Executive Board sa Conrad Hotel sa Pasay.

Ang desisyon ay upang bigyan ang mga national athlete na makapagdagdag ng gintong medalya para sa inaasam na pangkalahatang kampeonato ng bansa sa pagho-host nito sa ika-30 edisyon ng Southeast Asian Games sa matatanggap nitong dobleng insentibo.

Ang katulad na halaga ng cash incentives ang nakatakda din na ibigay ng gobyerno sa pamamagitan ng PSC bilang parte sa rewards nito sa mga pambansang atleta para sa pagbibigay ng karangalan at prestihiyo sa bansa base sa Republic Act 10699 o ang Athletes Incentive Act.

Ang insentibo ay inaasahang magsisilbing dagdag na motibasyon sa lahat ng mga national athlete upang mas lalong magpursige na makapagwagi ng gintong medalya kung saan asam ng bansa na makamit ang ikalawa lamang nito na overall championships sapul na sumali sa multi-sports competition noong 1977.

Ilan lamang sina Hermie Macaranas ng Dragon­boat at Carlos Edriel ‘Caloy’ Yulo ng gymnastics na may maraming tsansa para makapagwagi ng pinakamalaking parte sa insentibo dahil sa pagkakasali sa ilang events.

Si Macaranas ay sasabak sa siyam na event ng dragonboat habang si Yulo ay lalahok sa pitong apparatus sa gymnastics competition. (Lito Oredo)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy