Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Mga ‘ginagong bayani’

0 230

DUBAI – Ilang mga overseas Filipino workers ang nakahuntahan natin dito habang tayo ay dumadalo sa Binance Blockchain Week 2022, isang three-day event na tumatalakay sa patuloy na paglago ng cryptocurrency industry sa buong mundo.

Ilan sa mga nakausap natin ay si Rachelle at Charm, kapwa matagal nang nagtatrabaho sa isang five star hotel dito at namamalagi nang mahigit sa 15 taon na.

Gaya ng maraming Pilipino, si Rachelle at Charm ay simbolo ng kasipagan at kagalingan na karaniwang ipinamamalas ng milyon-milyon nating mga OFWs sa buong mundo. Kabahagi sila ng tinagurian mga “bagong bayani” ng ating bansa dahil sa kanilang napakalaking kontribusyon sa ekonomiya ng Pilipinas sa pamamagitan ng kanilang mga remittances.

Sa aming kuwentuhan, nakakalungkot madinig na ang dalawa ay kapwa wala munang balak bumalik sa Pilipinas.

Ang dahilan? Dahil sa napakagulong patakaran at pulitika sa ating bansa. Gayung din ang walang kasiguruhan na magkaroon ng trabaho upang mabuhay ng maayos at marangal.

Kinakaya nilang tiisin ang malayo sa kanilang mga mahal sa buhay upang mabigyan lamang ng magandang kinabukasan ang kanilang mga pamilya at mahal sa buhay.

Ang kuwento ni Rachelle at Charm ay lumalarawan sa kabuuang ugnayan ng OFWs at ng pamahalaan sa mahabang panahon.

Ang totoo, maraming mga pulitiko na umuupo sa pamahalan ang ginagamit lamang ang mga OFWs bilang rason para makaepal at magkaroon ng tungtungan na gagamitin bilang plataporma. Mga plastik.

Dito sa Dubai, bakas sa mukha ng dalawang Pilipina na kuntento sila sa kanilang paghahanap-buhay. “Napakabait sa amin ng aming mga boss, inaalagaan kami kahit kami ay magkasakit,” ayon kay Charm.

Noong kasagsagan ng paglaganap ng COVID-19 sa buong mundo, isa ang UAE sa iilang bansa na nagpakita ng mabuting pagkalinga sa maraming OFWs.

Bagamat marami din naman ang nawalan ng trabaho dahil na rin nagsara ang kanilang mga empleyo, ang UAE ay nagbigay ng libreng ospital, testing at maging ng bakuna sa libo-libong OFWs na inabutan ng pandemya dito.

Kung ikaw ay isang masipag na OFW, hindi kataka-taka na ang UAE ay maari mong ituring na “pangalawang tahanan” dahil na rin sa kaayusan ng bansang ito na dati ay isa lamang isla na puno ng mga buhangin.

Dalawampung taon matapos ang walang humpay na malawakang development, nakakamangha ang kaunlaran ng bansang ito kung saan malaking porsiyento ng konstruksyon ay inukit mula sa mga kamay ng mga Pilipinong manggagawa.

Kung talagang gustong tulungan ng pamahalaan ng Pilipinas ang mga OFWs, ngayon na ang tamang panahon na gawin ito sa ilalim ng katatag pa lamang na Department of Migrant Workers (DMW).

Kinakailangan na ang mamuno sa ahensiya ay hindi pulitiko, isang propesyonal, may puso para sa mga OFW, at higit sa lahat ay hindi korap.

Nakita natin noong nakaraang pandemya ang sabog na sistema ng pamahalaan at ang kawalan ng paghahanda, kasanayan at kakayahan ng ilang opisyal kabilang na yaong mga nasa mga embahada, konsulado at maging sa Department of Labor and Emploment at Department of Foreign Affairs.

Kaya ang payo natin sa mga bobotong mga OFWs, kilatisin mabuti ang mga kandidato at huwag padadala sa mga fake news nag naglipana sa social media. Kayo na ang gumawa ng paraan para umayos ang bansa.

Leave A Reply

Your email address will not be published.