Una sa Balita

Mga gamot sa India

By
0 1,136

Sa mga panahong ito, tunay na napakahirap nang magkasakit sa Pilipinas. Ayon sa datos mula sa Philippine National Health Accounts (PNHA) ng Philippine Statistics Authority (PSA), tinatayang bawat isang Filipino ay nakagastos ng P5,260 para sa mga gastusing pangkalusugan sa loob ng isang taon noong 2013.

Kung nakagamit tayo ng ganoong halaga para panatilihing ligtas ang ating mga pamilya mula sa sakit noong 2013, isipin na lang natin kung gaano na kamahal sa mga panahong ito, makalipas ang humigit kumulang apat o limang taon, ganoong klase ng gastusin.

Kaya naman ang mga nakatakdang usapin sa pagitan ng Pilipinas at India, kung saan inaasahang magkakaroon ng diskusyon­ sa pagkakaroon ng abot-kayang gamot sa Pilipinas, ay tunay na magbibigay ng pag-asa sa kabila ng sunod-sunod na pagtaas ng mga presyo ng bilihin. Dinaluhan ni Presidente Rodrigo Duterte ang Association of Southeast Asian Nations (ASEAN)-India Special Commemorative Summit at India’s Republic Day celebration noong January 24-26, 2018.

Dito napagkasunduan ang mga magiging diskusyon na magaganap sa Marso. Ang mga nasabing usapin ay naglalayong paigtingin ang kooperasyion sa pagitan ng Pilipinas at India, partikular sa pharmaceutical trade at investments.

Ilang taon lang ang nakalilipas noong ako’y nagsulat ng isang artikulo tungkol sa lower manufacturing costs ng mga gamot sa India at ang kaukulang lower selling prices bilang resulta nito.

Ang India, sa katunayan, ay ang pinakamalaking provider ng generic medicine sa buong mundo, na umaabot sa halos 20% ng global exports.

Aking naaalala na sa naturang artikulo, nabanggit ko na itinatag ng India sa kanilang bansa ang National Pharmaceutical Pricing Authority (NPPA), isang government regulatory body na naatasang mag-monitor at magtakda ng mga presyo at suplay ng mga gamot sa kanilang bansa.

Ang NPPA ay nagsasagawa rin ng mga pag-aaral tungkol sa pharmaceutical production, exports at imports, market shares ng mga drug companies, at ang profitabi­lity ng mga kompanyang ito. Maaaring magtatag ng isang kahalintulad na ahensiya sa Pilipinas upang masigurong ang bawat Filipino ay makabibili ng mga epektibo at abot-kayang gamot para sa kanilang kaligtasan at kalusugan.

Sa pagsunod sa model na ito ng India, kailangan nating bigyan ng kaukulang pondo ang pagsasagawa ng mga pananaliksik at pagmamanupaktyura ng cheaper herbal medicines.

Akin ding iminumungkahi sa pamahalaan na bigyan ng konsi­derasyon ang pagtatatag ng isang state-owned national pharmaceutical company na mamumuno sa pagsasagawa ng pharmaceutical research at development sa bansa, at maging sa pag-aangkat ng cheaper drugs.

Habang ang ating gobyerno ay nakatutok sa pagsugpo sa kahirapan sa bansa upang maiangat ang pamumuhay ng bawat mamamayan, ang potensyal na dala ng cheaper medicines at reduced health costs ay siguradong makatutulong sa pag-abot ng adhikaing ito para sa sambayanang Filipino.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy