Una sa Balita

Mga Filipino sanay na sa pagsubok — Palasyo

By
0 231

Ikinatwiran ng Ma­lacañang ang mara­ming pinagdadaanang pagsubok ng bansa kaya lumala ang buhay ng mga ­Filipino.

Tugon ito ni Presidential Spokesman Harry Ro­que sa survey ng Social Weather Stations (SWS) na ginawa noong June 27-30 na lumala ang buhay ng mga Filipino suba­lit nananatiling positibo ang pananaw sa buhay.

Ayon kay Roque, isa sa mga nagpapahirap sa mga Filipino ay ang ma­taas na presyo ng gasolina na nakadepende sa presyuhan sa pandaig­digang pamilihan.

Pero magkagayunman, tiniyak ng kalihim na gumaganda naman ang ekonomiya at ang nararanasan sa ngayon ay panandaliang pagsu­bok para sa mga Filipino.

“Well, naiintindihan po natin iyan. Dahil ang dami pong pagsubok, iyong pagtaas ng presyo ng gasolina, dahil nga po sa presyo sa pandaigdigang merkado, pero nandoon pa rin iyong pag-asa ng mga tao na bubuti pa rin, dahil ang totoo naman po, ang fundamentals ay naririyan. Talaga naman pong nag-i-improve ang ating ekonomiya, meron lang tayong mga panandaliang mga pagsusubok,” ani Roque.

Umaangal ang publiko lalo na ang mga nasa transport sector at mga pribadong motorista dahil halos linggo-linggong tumataas ang presyo ng produktong petrolyo sa bansa.