Una sa Balita

Mga estudyante ng UPLB, tipid-gastos sa pagtatanim ng gulay

By
0 232

NAKAPAGTITIPID na ang maraming estudyante ng University of the Philippines-Los Baños dahil sa pagtatanim ng gulay sa bakuran ng kanilang dormitoryo.

Sinimulan ito nina Niomi Ashley Ilejai at Sophie Andrea Tating dahil sa inilunsad na Communal Edible Gardening ng University Hou­sing Office (UHO).

Sabi ni UHO chief Zoilo Belano, magiging self-sufficient ang mga mag-aaral dahil sila na ang nagtatanim ng mga gulay na kanilang kinakain.

Inumpisahan ang edible gardens ng UPLB sa Forestry Residence Hall, New Forestry Residence Hall at sa Makiling Residence Hall noong nakaraang taon.

Kuwento ni Niomi, nakakatulong sa kanila ang communal edible garden dahil hindi na nila kailangang bumili ng mga gulay.

Para kay Sophie naman, tinuruan silang maging maabilidad, di­siplinado at natuto pa sila sa pagtatanim.

Nakatulong din ito sa kanila para kumita ng pera dahil puwede nilang ibenta ang kanilang mga ani sa ibang tao.

Simula nang umarangkada ang proyekto, nakapag-ani na ang mga mag-aaral ng gabi, sili, saging at kamote.

Kamakailan, sinimulan na rin ang edible gardening sa mga staff housing units. Limang lugar na sa campus ang ginawang communal edible garden at mahigit 200 estudyante at staff na ng UPLB ang nakinabang dito.