Una sa Balita

Mga escort ng napatay na killer ng piskal iimbestigahan

By
0 964

MAGSASAGAWA ng imbestigasyon ang Natio­nal Capital Region Police Office (NCRPO) sa pagkamatay ng suspek na nanaksak at nakapatay ka Ombudsman Assistant Special Prosecutor Madonna Joy Tanyag noong June 4 ng taong kasalukuyan.

Ayon kay NCRPO Director Chief Superintendent Guillermo Eleazar, ang mga pulis na naka­talaga sa Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD) na nag-escort sa ‘booking procedure’ ng suspek na si Angelito Avenido Jr., ay kanilang isasailalim sa imbestigasyon.

Kasabay nito, handa naman umano sa anumang imbestigasyon ang pamunuan ng QCPD hinggil sa pagkamatay ni Avenido Jr., na suspek sa panghoholdap at pagpatay sa Assistant Special Prosecutor ng Ombudsman.

Ayon kay QCPD Director P/Chief Supt. Joselito Esquivel Jr., bukas sila sa anumang imbestigasyon na isasagawa ng kahit anong grupo, organisasyon at ibang sangay ng gobyerno.

“Wala pong may gusto na mangyari kay Avenido. Agad nating dinala sa ospital ang wounde­d detainee para sana ma-survive pero namatay kalaunan. Tayo po ay bukas sa anumang imbestigasyon,” ani Esquivel.

Magugunitang napatay si Avenido matapos agawin ang baril ng kanyang police escort na si PO3 Ramil Langa­ sa ikalawang­ palapag ng QCPD sa CIDU, Camp Karingal habang siya ay isinasailalim sa fingerprint at mug shots bilang ‘routine procedure’.

Nakipambuno umano si PO2 Langa kay Avenido, hanggang pumutok ang nasabing baril na tumama sa pagitan ng baba at leeg ng suspek. Naisugod pa sa East Avenue Medical Center si Avenido pero hindi na ito umabot nang buhay.

Paliwanag ni Esqui­vel, kaya walang posas si Avenido ay dahil kinunan ito ng fingerprint bilang bahagi ng ‘boo­king process’ at pagsunod sa inilabas na commitment order ng korte na marapat ng ilipat sa Quezon City Jail dahil sa kasong robbery with homicide.

Si Avenido ang siyang tinukoy ng isang testigo na responsable sa panghoholdap at pagpatay sa buntis na lady prosecutor. (Dolly ­Cabreza)