Una sa Balita

Mga empleyado ng BOC na nasa floating status paglilinisin sa Pasig River

0 425

MAY ipapatrabaho si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga kawani ng Bureau of Customs (BOC) na inilagay sa floating status dahil sa pagkakasangkot sa corruption.

Sa kanyang talumpati sa harap ng mga overseas Filipino worker sa Kampo Aguinaldo noong Biyernes nang gabi, ibinalita ng Pangulo ang pagtanggal nito sa 64 na kawani at opisyal ng BOC dahil sa korapsiyon.

Ayon sa Pangulo, ipalilinis niya sa mga kawani ng Customs ang makapal na water lily sa ilog Pasig partikular sa bahagi ng dinadaanan ng barge na ginagamit nito sa pagtawid patungong Malacañang.

Sinabi ng Pangulo na talamak na ang korapsiyon sa BOC at may nagpayo sa kanya na para matigil ito ay tanggalin ang lahat ng mga nagtatrabaho sa administrative section.

“So tinanggal ko lahat. Sabi ko, doon kayo mag-report sa Pasig. Doon sa opisina ko. Ang barge ko magpunta doon sa opisina sa Pasig, galing dito sa kabila, hindi na makalusot dahil sa waterlily. ‘Yun ang ipatrabaho ko sa kanila, para makalusot ako doon sa Malacañan,” anang Pangulo.

Hindi pa pinapangalanan ng Presidente ang mga matataas na opisyal ng BOC na inilagay sa floating status, kasama ang 64 na mga kawani pero iaanunsiyo aniya ang pagkakilanlan sa mga ito sa mga darating na araw.

Binalaan din ni Pangulong Duterte ang iba pang mga opisyal ng gobyerno na huwag makisawsaw sa korapsiyon kung ayaw nilang matulad sa mga taga-Customs. (Aileen Taliping/Prince Golez)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy