Una sa Balita

Mga dumukot sa negosyanteng Pakistani, hinatulan ng habambuhay na pagkabilanggo

By
0 2,051

Makalipas ang 10 taon, hinatulan na kahapon ng reclusion perpetua o habambuhay na pagkakabilanggo ang anim na katao kabilang ang isang dating police official at dating sundalo matapos kidnapin ng mga ito ang isang negosyanteng Pakistani national noong taon 2007 sa Makati City.

Sa 28-pahinang desisyon ni Makati Regional Trial Court (MRTC) Judge Elmo Alameda ng Brach 150, ang mga akusado ay nakilalang sina Senior Inspector Eleazar Seiton; Jonathan Melgo; Ahmad Guiamad; Sgt. Luminog P. Guiapal ‘alyas Mike Asim’; Jumel Tunal Canazares ‘alyas Corporal Jumel Canazares’ at Beltran Tompeta Taba ‘alyas Taba’.

Ang mga ito ay guilty sa kasong paglabag sa Article 267 ng Revised Penal Code (Kidnap for Ransom), samantalang pinawalang-sala naman sila sa kasong Theft.

Nakilala naman ang biktimang si Tariq Mian, isang Pakistani natio­nal, negosyante at naninirahan sa San Lorenzo Village, Makati City.

Base sa record ng korte, naganap ang pag-kidnap sa biktima ay noong Mayo 24, 2007 ng alas-8:30 ng gabi sa harapan ng pag-aaring tindahan ng biktima sa Silver Rose General Merchandise, na matatagpuan sa No. 7627 Dela Rosa corner Santuico St. ng natu­rang lungsod.

Habang nasa harapan ang biktima, kasama ang helper na si Joeffrey Cabading at bayaw na si Jason Panis, dumating ang mga akusado sa pa­ngunguna ni Seiton at may dalang warrant of arrest.

Inaaresto nila noon si Mian hinggil sa kasong illegal recruitment, large scale, suba­lit napag-alaman na sa orihinal na warrant of arrest na dala ng mga akusado ay hindi illegal recruitment, kundi estafa at wala naman ang pangalan ng biktima.

Dito na nila kinidnap si Mian at mabilis na isinakay ito sa isang Toyota Innova na may plakang XBZ-333 at hinihingan ito ng mga akusado ng ransom money na halagang P50 milyon.

Subalit, nagmaka­awa ang biktima sa mga akusado na ang kaya lamang aniya niya ay P5 milyon at matapos magtawaran ang naibigay lamang ni Annalisa, misis ng biktima sa mga akusado ay P2 milyon.

Kahit naibigay na ang naturang halaga, hindi kaagad pinalaya ng mga akusado ang biktima.

Noong Hunyo 3, 2007 sa kahabaan ng Nicanor Garcia St., Makati City, isinakay nina Melgo at Guiamad sa taxi ang biktima at hindi alam ng mga ito na may ikinasang rescue operation ang mga awtoridad.