Una sa Balita

Mga drone gagamitin sa pagsasaka sa Benguet

By
0 1,678

UUMPISAHAN na ng Department of Agriculture (DA) ang hi-tech na pagsasaka gamit ang mga drone sa Benguet.

Sinabi ni Agriculture Secretary Emmanuel Piñol na ga­gawing pilot area ang 5,000 hektaryang vegetable farm sa ilang bayan sa Benguet pro­vince para sa aerial spraying ng mga remote-controlled drones.

Maaaring gamitin ang drone para mag-spray ng mga pataba at organic pesticide. Kaya ng isang drone, na galing sa DMM Corp., isang Japanese service provider, na mag-spray sa isang hektaryang bukid sa loob lamang ng 10 minuto.

Magpipirmahan ng kasunduan ang DA at ang probinsiya ng Benguet ngayong linggo, at magbibigay ang DA ng P1,500 kada hektarya para sa pag-spray gamit ang drones. Ang probinsiya naman ang kukuha sa DMM Corp. para sa drones.

Ayon kay Secretary Piñol, ito ang kauna-unahang pagkakataon na gagamit ang DA ng drone para sa pagsaka. Noon, ginagamit lamang nito ang drone para sa aerial surveys at geotagging para sa pagpili ng lugar na lalagyan ng farm-to-market roads.

Pagkatapos makita ng ibang mga magsasaka ang nangyari sa pilot areas sa Benguet, dadalhin ng DA ang drones sa ibang lugar sa bansa kung saan tatanggapin ng mga magsasaka ang teknolohiya.