Una sa Balita

Mga Chinese worker dapat sumunod sa batas

0 326

DAPAT sumunod sa batas ng Pilipinas ang lahat ng mga Chinese national na nagtatrabaho sa bansa ngayon, ligal man o iligal ang kanilang pagpasok dito.

Ito ang reaksiyon ni ACT-CIS Party-list Cong. Eric Yap hinggil sa isyu ng pagdami ng mga Chinese national sa bansa, gayundin nang mapanood ang isang Facebook post kung saan pinayagan ng isang babaeng Chinese ang kanyang anak na dumumi sa dagat ng Boracay at ibaon pa ang diaper nito sa dalampasigan.

“Daan-daang milyon ang ginasta para malinis ang Boracay at nagtiis tayong lahat na hindi makapunta sa lugar na ‘yan ng ilang buwan, tapos dudumihan lang ng isang foreigner?” ayon sa bagitong mambabatas.

Nanindigan din si Yap, chairman din ng House Committee on Games and Amusement, na kailangang sumunod sa mga batas ng bansa ang lahat ng manggagawa ng China na narito ngayon sa Pilipinas tulad ng pagsunod ng mga overseas Filipino worker (OFW) sa batas sa ibang bansa.

Tinukoy rin naman ni Yap ang isang post sa Facebook ni Manila Mayor Isko Moreno kamakailan kung saan sinita nito ang isang Chinese worker na naninigarilyo sa isang parking lot ng isang gusali kahit na may nakapaskil na ‘No Smoking’ sign.

Dismayado si Yap na tila nalilimutan ng mga dayuhang manggagawang ito na nasa ibang bansa na sila at dapat galangin ang mga batas ng bansa kung saan sila naroroon.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy