Una sa Balita

Mga checkpoint ng militar at pulis, pinabubuwag ni Digong

By
0 597

INATASAN ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mi­litar at pulisya na  buwagin ang lahat ng checkpoint sa buong bansa.

Ayon sa Pangulo, ang mga checkpoint ang isa sa mga dahilan sa pagtaas ng presyo ng commercial rice dahil nagging gatasan ito ng mga tiwali sa gobyerno.

Ginawang halimbawa ng Pangulo ang ginawang pagsibak sa buong tauhan at opisyal ng LTO at DPWH sa Karanglan, Nueva Ecija dahil kinokotongan ang mga truck na may kargang bigas patungo sa Metro Manila.

“I am ordering the police and the military to dismantle all checkpoints. ‘Yan diyan ang nakawan eh. Diyan ‘yung magbigayan tapos added to the cost of the – pagdating dito, mahal na,” anang Pangulo.

Hinimok din ng Pre­sidente ang publiko na i-report sa 8888 ang mga namemerwisyo sa mga produktong dina­dala sa Metro Manila o sa ibang lugar para maaksiyunan agad ng mga awtoridad.

Bukod sa mga truck na nagdadala ng bigas  ay nagiging biktima rin ang mga truck na nagdadala ng gulay at iba pang produktong agrikultura dahil hinaharang ang mga ito sa mga checkpoint sa highway at kinokotongan kaya binabawi ito sa mga panindang gulay.