Una sa Balita

Mga ‘buwitre’ sa paliparan

By
0 641

Hindi lang mga eroplano ang nag­lipana sa mga paliparan natin partikular sa Ninoy Aquino International Airport, kung hindi mayroon ding mga buwisit na ‘buwitre’.

Nito lang nakaraang buwan, nagkaroon ng magandang balita tungkol sa NAIA dahil nakasama ito sa listahan ng World’s Most Improved Airports, batay sa resulta ng taunang global airport customer satisfaction survey. Hindi ito pipitsugin dahil sa Stockholm, Sweden pa nga ginawa ang awarding ceremonies.

Kaya mula sa dating listahan na kinabibila­ngan nito na ‘worst airport’, magandang balita na nasa listahan na ito sa ‘most improved’. At hindi naman kataka-taka na gumanda ang pagtingin ng mga lokal at mga dayuhang bumiyahe sa bansa. Gumagawa naman talaga ng hakbang ang pamahalaan, kahit sa nagdaang administrasyong Aquino, upang mapabuti ang mga pasilidad ng paliparan.

Nakakahiya nga naman sa mga bumisita sa ­ating bansa na mabubu­ngaran nila ang ating mga paliparan, lalo na ang NAIA na mapanghe ang CR, nagloloko ang mga aircon unit, at wala man lang mapahingahan sakaling matagal ang paghihintay sa sasakyang eroplano.

Pero habang ginagawa ng pamahalaan ang pagpapabuti sa mga pasilidad, may ilang kulokoy naman na kawani ng pa­liparan ang hindi matii­s ang malikot na kamay. Mantakin mong hindi naman sa kanila ang bagahe eh pinakikialaman.

Gaya nang pinakahu­ling insidente na isang Pinay na pasahero na galing sa Hong Kong ang nakunan ng video sa loob ng airport na umiiyak at nagmamaktol dahil nawalan siya ng gamit sa kanyang bagahe.

At dahil kumalat sa social media ang video, natural na nag-viral na naman ang nakakahiyang insidente. Kahit iniimbestigahan pa ng pamunuan ng paliparan kung ano ang nangyari, natadtad na ng komento ang naturang post na halos nada­damay na naman lahat ng mga kawani ng paliparan dahil sa kalokohan ng ilan nilang kasamahan.

Aba’y ilang linggo lang ang nakararaan nang magreklamo rin ang isang Japanese na pasahero na nawalan ng dolyares nang suriin ng ilang airport security ang kanyang bagahe. Nang mag­reklamo ang dayuhan, sinuri ang CCTV sa pali­paran at ‘huli ang mga balbon’ na kinamay ang bagahe ng Japanese at may ibinulsa sila.

Tandaan na bawal na bawal sa mga airport personnel na basta na lang pakikialaman at hahawakan ang inyong mga bagahe. Ang direktiba na ‘yan eh dahil na rin sa da­ting modus ng mga buwit­re sa paliparan na naglalagay ng bala sa bagahe para pa rin makapangikil.

Pero kahit tila natigil na ang modus na laglag-bala sa airport, mukhang ayaw pa rin tumigil ng mga mokong na kurimaw sa paghahanap ng paraan para makadelihensiya. Mukhang hinahamon yata nila si President Mayor Digong.

Ang matindi nito, walang pinipili ang mga ugok sa kanilang bibiktimahin. Kahit nga ang mga bago nating bayani na mga OFW ay hindi nila pinapatawad. Pinipitik pa nila ang mga pasalubong na pinaghirapan ng mga OFW para sa kanilang mga mahal sa buhay.

Kung masuwerte ka namang hindi nabiktima ng buwitre sa loob ng airport, may peligro pa rin na baka mabiktima ka ng mga buwitre sa labas ng paliparan—ang ilang kumag na taxi driver na mahilig mangontrata at kaya naman ay may batingting ang metro o nagpapatong sa singil.

Sadyang hindi na yata mawawala ang mga buraot sa airport kaya ang pinakamabuti ay mag-ingat, i-secure ang mga bagahe. At kapag nabiktima, huwag manahimik, isumbong sila at pasikatin sa social media. La­ging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”