Una sa Balita

Mga bitak sa Ecoland condo binalewala ng DMCI-Consunji

0 364

MATAGAL nang may bitak ang gumuhong gusali ng Ecoland 4000 Residences sa Davao City pero binalewala lamang ito ng DMC Urban Property Develo­pers Inc. (DMC-UPDI).

Kuwento ng isang unit owner, hindi tinanggap ng ibang may-ari ang nabi­ling unit dahil sa nakita nilang depekto sa gusali noong 2009 pa.

“Nakita ng lolo ko na may cracks sa ceiling all over the place, even in our rooms. Kung saan kami natulog, saan kami nagluluto, saan kami nanood ng TV, lahat doon may cracks,” ani Ted Khristian Fantonial, isang unit owner sa interview ng ABS-CBN.

Noong Oktubre 31 na kasalukuyang taon, bumagsak ang 5-storey condo matapos yanigin ng 6.5 magnitude na lindol.

Isang linggo matapos tumama ang mapaminsalang lindol na nagresulta sa pagguho ng gusali ng Ecoland hindi pa rin umano hinaharap ng pamunuan ng DMC-UPDI ang mga unit owner nito.

Dahil tuluyan nang nawasak ang condominium, kasunod ng mga serye ng lindol na naranasan noong Oktubre, isinara na sa mismong mga residente ang kanilang mga unit at hindi na sila pinahintulutang pumasok dito.

Labis naman ang pagkadismaya ng mga unit owner ng DMC-UPDI, na affiliate ng DMCI na pag-aari ng mga Consunji, dahil sa kabila ng kanilang hiling na makabalik sa kanilang unit para kuhanin ang mga mahahalagang gamit, ay hindi pa umano ito napapansin ng management.

“Ang aming property management officer, wala talagang information so parang hanging talaga kami. Kawawa talaga kami. Wala kaming baon na gamit at saka nadi-displace kami. Kung saan-saan kami nakitira sa mga kaibigan,” sabi ni Rebecca De Leon.

Pangamba nila, tuluyan nang guguho ang buong gusali sakaling tumama pa ang malakas na lindol kaya hiniling na nilang mapadali na ang prose­so para makuha ang kanilang mga gamit sa inabandonang unit.

Sabi pa ni De Leon, nagbigay na ito ng liham sa DMC-UPDI pero ang tanging sagot lamang umano sa kanila ay nakikipag-ugnayan pa ang pamunuan sa mga city engineer at pulisya.

“Ang tanong diyan, kailan? We need it, may mga gamit diyan na puwede namin i-save,” himutok ni De Leon.

Itinanggi na ng DMCI na sila ang deve­loper ng Ecoland 4000 Residences. Ang DMC-UPDI at DMCI ay nag-oopisina sa iisang gusali lamang sa Chino Roces Avenue sa Makati City.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy