Una sa Balita

Mga batang kriminal

By
0 611

Kung dati ay nakaka-shock kapag nakakabasa o makakapanood tayo ng mga menor de edad na nasasangkot sa krimen, ngayon sa totoo lang, parang karaniwan na lang.

Madalas ang mga nababasa o nababa­litaan lang natin eh ‘yung mga nagba-viral sa social media na video o kaya litrato ng mga menor de edad na nanghahablot ng mga gamit ng mga biktima nila sa kalye, o kaya naman nasangkot sila sa mas malalang krimen tulad ng rape, panggugulpi o nakapatay.

Gaya na lang ng isang kaso ng menor de edad na ginulpi at napatay ng mga kapwa nila menor de edad. Aba’y mayroon pa ngang nakunan sa CCTV na hinataw ng kahoy ang kaniyang biktima. Madalas ang insidente ng mga menor de edad na nasasangkot sa rape, at kung minsan, gang rape pa.

Sabi ng ating kurimaw na hindi raw na-enjoy ang kaniyang kabataan, sablay daw ang katwiran ng mga mambabatas na dapat ibaba sa 9 mula sa 15 ang edad ng mga puwedeng papanagutin sa batas dahil ‘nagagamit’ ang mga ito sa krimen o ng sindikato sa droga.

May tama naman ang ating kurimaw. Kung tutuusin kasi, kahit sinong bata na puwede nang utusan kahit sa edad na lima eh puwedeng gamitin ng sindikato na ‘runner’ o tagahatid at tagasingil ng droga. Pero ibang usapan kung inuutusan na mga kabataan na magnakaw o pumatay dahil tiyak na alam nilang masama ang kanilang ginagawa.

Mismong si PNP Chief Director-General Oscar Albayalde ang nagsabi na mas marami ang kasong rape na kinasangkutan ng mga menor de edad kaysa pagtutulak ng droga. Ang nakakabahala nga lang, sinabi ni Albayalde na nasa mahigit 12,000 menor de edad ang nasangkot sa iba’t ibang krimen tulad ng rape, pagnanakaw, pang-aagaw ng gamit, droga at iba pa.

Hindi man magandang pakinggan na marami na ang nagi­ging ‘batang kriminal,’ o kapag pinaganda ang tawag, ‘in-conflict with the law,’ ang katotohanan ay mas marami na ang paraan ng mga kabataan ngayon na malantad sa mga kalokohan lalo na sa tulong ng internet. Kung noon eh para sa pag-ihi lang ang alam nilang gamit ng kanilang ‘pututoy,’ aba’y ngayon alam na nila kung para saan pa ang ibang gamit nito—sa ‘bahay-bahayan.’

Kung hindi sila magagabayan ng mga matatanda kung kailan sila dapat ‘makipag-bahay-bahayan,’ asahan mong masasangkot ang mga iyan sa inuman ng tropa na kasama ang babae, at kapag nalasing ang babae, patay na.

Sa ikalawang pagbasa sa Kamara de Representantes tungkol sa panukalang batas na ibaba nga ang edad ng mga papanagutin sa batas, sa halip na siyam ay ginawa itong 12. At ang ‘criminal liability,’ ginawang ‘social liability.’ Bakit kaya hindi pa sinagad ng mga mambabatas sa edad na 13? Sa edad na ito, mas magiging malinaw na palatandaan siguro sa mga kabataan na kaila­ngan na nilang mag-ingat sa kanilang ginagawa pagsapit nila sa edad na ‘teen.’

Parang ‘debut’ age; na alam ng mga babae na pagsapit nila ng 18 [21 naman sa lalaki], may dagdag responsibilidad at kalayaan na sila. Sa ganitong edad kasi eh mas pinapabayaan na silang magdedesisyon, makipag-syota at puwede na rin silang bumoto. Kaya kung 13 siguro ang edad ng puwedeng habulin ng batas, mas madali nilang matatandaan ito at ng kanilang mga magulang.

Ngunit higit sa edad, dapat suriing mabuti ng mga mambabatas ang mga programang naka­kabit sa pag-rehabilitate sa mga kabataang masasangkot sa kalokohan.

Dahil malapit nang matapos ang Kongreso kasi mag-eeleksyon na, makabubuting ipaubaya na sa susunod na mga mambabatas ang paghimay sa naturang panukalang batas para mapag-usapan pang mabuti ang edad at ang mga programa at pondong kakailanganin para sa rehabilitasyon ng mga batang ‘nalihis ng landas.’ Laging tandaan: ‘Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.’

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy