Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Mga bata papayagan nang pumunta sa mga outdoor spaces

0 15

Isang magandang balita para sa maraming magulang ang desisyon ng Inter-Agency Task Force (IATF) na sa wakas ay payagan ang mga bata na lumabas sa kanilang mga tahanan, kahit na sa ngayon ay maaari lamang silang pumunta sa mga itatalaga ng gobyerno na outdoor spaces.

Ang mga batang limang taong gulang pataas, na nakatira sa mga lugar na sumasailalim sa Modified General Community Quarantine at General Community Quarantine, maliban sa mga lugar na sumasailalim sa mas mataas na paghihigpit, ay maaari na ngayong pumunta sa mga outdoor areas. Kailangan lamang siguruhin na may nakatatanda na nagbabantay sa kanila para matiyak na ang mga bata ay sumusunod sa minimum public health protocols gaya ng pagsusuot ng face mask at pag-iwas sa pakikisalamuha sa ibang tao.

Ayon sa IATF Resolution No. 125, ang mga outdoor spaces ay mga lugar kung saan may libreng paggalaw ng hangin mula sa lahat ng direksyon, maaaring may bubong, may poste, ngunit hindi napapaligiran ng mga pader.

Ang mga bata ay maaari na ngayong payagan na pumunta sa mga sumusunod na outdoor areas: mga parke, palaruan, beach, biking at hiking trail, mga outdoor tourist sites na tinukoy ng Dapartment of Tourism, outdoor non-contact sports courts, at al fresco na kainan sa mga lugar na binanggit sa itaas.

Ang mga mixed-use indoor/outdoor na gusali at lugar tulad ng malls at mga katulad na establisimyento ay hindi kasali sa mga outdoor areas kung saan pwedeng pumunta ang mga bata.

Maaaring dagdagan ng kinauukulang local government unit ang paghihigpit sa edad ng mga bata depende sa sitwasyon ng COVID-19 sa kani-kanilang lugar kahit na limang taong gulang ang edad na itinalaga ng IATF.

Bilang isang magulang, masaya ako sa desisyong ito ng IATF dahil masisiguro nito na ang aking mga anak ay hindi na makukulong sa bahay, na nangyari noong ideklara ang lockdown at ipatupad ang community quarantine.

Related Posts
SM food to go Banner Ad

Ang mga dalubhasa sa pangangalaga ng mga bata ay sumasang-ayon sa desisyon na hayaan nang makapunta ang mga bata sa mga outdoor spaces, lalo na ang mas bata, dahil mabuti ito sa kanilang pisikal at mental na pag-unlad.

Ang pagpapasya na payagang lumabas ng bahay ang mga bata na limang taong gulang pataas ay ginawa ng mga eksperto sa pangangalaga sa kalusugan at pangangalaga ng bata sa ating bansa alinsunod sa rekomendasyon ng World Health Organization (WHO).

Ayon sa rekomendasyon ng WHO, ang mga batang wala pang limang taong gulang ay hindi kinakailangan na magsuot ng face mask batay sa kanilang kakayahan na gamitin ito ng tama nang walang tulong mula sa mga nakatatanda. Ngunit kung magsusuot sila ng face mask, dapat may kasama silang magulang o tagapag-alaga para masiguro ang ligtas na paggamit nila nito.

Hindi inirerekomenda ng mga eksperto sa pangangalaga ng bata ang pagpapasuot ng face mask sa mga batang wala pang dalawang taon dahil maaaring maging sagabal ito at peligroso sa kanilang paghinga.

Ang pagpapahintulot sa mga bata na lumabas ay nagpapatunay na nakokontrol na natin ang pagkalat ng COVID-19 at unti-unti na nating nakikita ang ligtas na muling pagbubukas ng ating ekonomiya. Nangangahulugan din ito na ang gobyerno ay may kumpiyansa sa ating mga estratehiya sa pagsugpo ng COVID-19 at sa ating health at safety protocols.

Tulung-tulong nating gawing ligtas ang mga outdoor spaces para sa mga bata. Turuan natin silang sumunod sa minimum public health standards. Magpakita tayo ng magandang halimbawa sa pamamagitan ng pagsusuot ng face mask at face shield sa tamang paraan, paghuhugas at pagdidisinpekta ng kamay palagi, at pagsunod sa tamang distansya kapag nakikisalamuha sa ibang tao.

Leave A Reply

Your email address will not be published.