Mga bata ni Andanar nagpalamig sa Europe

By
0 631

KINUWESTYON ni Senador Grace Poe ang naging hakbang ng Presidential Communications Ope­rations Office (PCOO) na magsagawa ng press freedom caravan sa Europa dahil sasayangin lamang nila ang pera ng bayan sa biyaheng ito.

Ginawa ni Poe ang pahayag matapos isiwalat ni PCOO Secretary Martin Andanar na kailangang kontrahin ng kanyang mga opisyal ang ibinabatong isyu laban sa administrasyong Duterte, kabilang na ang sinasabing panggigipit sa press freedom sa ginawang pag-aresto kay Rappler CEO Maria Ressa dahil sa cyber libel na isinampa ng isang businessman.

Ayon sa senador, ang dapat asikasuhin ng mga opisyal ng PCOO ay magsagawa ng information drive sa benepisyo ng pagbabakuna at kampanya sa mapayapa at patas na eleksyon imbes na magbiyahe sa Europe at magpaliwanag sa pag-aresto kay Ressa.

Iginiit pa nito na dapat ay ipinapaubaya na lamang ng ahensya sa korte ang kaso ni Ressa.

“Is it really necessa­ry to spend people’s mone­y on this? Hindi pa ba sapat ang paliwanag ng iba’t opisyal na nagsalita hinggil sa isyu? Nasa korte na rin ang bagay na ito kaya pabayaan na natin ang proseso na gumulong,” ani Poe.

“Mas mainam na gamitin ng PCOO ang pera nito sa pagpapakalat ng impormasyon para hikayatin ang mga magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak, o kaya naman, tumulong sa information dissemination para sa isang maayos at mapayapang eleksyon,” dagdag nito.

Ayon kay Secretary Andanar, nasa Bosnia na sina Undersecreta­ries Joel Egco at Lorraine Badoy at Assistant Secretary Kris Ablan upang magpaliwanag sa media doon hinggil sa kaso ni Ressa.

Sunod na tutungo ang grupo sa Belgium at Switzerland, at bibigyang linaw din ang European media sa estado ng press freedom sa Pilipinas sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Rodrigo Duterte. 

Abante – Wendys Inhouse Ad
Comments
Loading...