Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Mga bakunadong senior citizen may premyo kay mayor

0 140

Mamamahagi ng premyo ang pamahalaang lokal ng Pasay City para sa mga senior citizen na fully-vaccinated na laban sa coronavirus.

Ayon kay Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano, insentibo nila ito para sa mga matatanda upang lalo silang mahikayat na magpabakuna kontra sa malupit na Delta variant ng COVID-19.

Sa idinaos na virtual town hall mee­ting noong Martes, ipinaalam ng alkalde sa mga lumahok na kinatawan ng mga barangay at mga departamento ng city hall na mag­lulunsad siya ng pa-raffle bilang premyo sa mga senior citizen na protektado na ng bakuna laban sa lalong nakahahawang variant.

Aniya, ipinalilikom na niya ang pangalan ng mga senior citizen na isasama sa raffle at makatatanggap ng premyo.

Magdaraos din aniya sila ng hiwalay na raffle sa mga barangay na napabakunahan ang lahat ng residente nilang senior citizen at may mga comorbidity.

Sinabi ni Calixto-Rubiano na mahalaga ang pakikiisa ng lahat para maiwasan ang pagkalat ng Delta variant sa lungsod.

Samantala, noong Marso 2, natuklasan ng Department of Health na may 521 kaso ng South African variant sa Pasay.

Dalawang barangay ang sinailalim sa total lockdown at 136 barangay ang nilagay ng alkalde sa granular lockdown matapos sumirit sa 1,024 ang kaso ng South African variant noong Marso 25. (Mia Billones)

Leave A Reply

Your email address will not be published.