Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Mga bakunadong kabataan, turista mag-aangat sa turismo

0 119

Ang pagsulong ng pagbabakuna pati sa kabataang Pilipino ang siyang magiging susi sa pagbuti ng kabuhayan ng sektor ng turismo sa bansa.

“Maaaring payagan nang makalabas ng bahay ang mga kabataan at matutuloy na ang mga planong pagbibiyahe ng pamilya para makapaglibang,” sabi ni Marissa Diploma, nominee ng Turismo Isulong Mo Partylist.

Mistulang bilanggo ang mga menor de edad sa pananatili sa loob ng bahay mula noong kumalat ang Covid-19 galing Wuhan, Hubei, China at halos dalawang taon na pagpapatupad ng community quarantine.

“Makakatulong di lamang sa ekonomya ng bansa ang pagbibiyahe kundi makakabuti sa mental na kalusugan ng kabataan na apektado ng lockdown,” pagdidiin ni Diploma.

Makaraang bakunahan kamakailan ang mahigit 26,700 na edad 12-17, itutuloy na ang vaccination rollout sa kabataan sa Nobyembre 6 pagkatapos ng undas, ayon kay National Task Force Covid (NTF) Vaccine Czar Carlito Galvez.

“Dapat lang payagan na ng inter-agency task force (IATF) na makapamasyal nang ligtas ang mga nakababatang miyembro ng pamilya,” sabi pa ni Diploma.

Ikinagalak din ng TURISMO Partylist ang pagbubukas ng Cebu Province, Baguio City at Puerto Galera sa mga fully-vaccinated visitors na di na kailangang dumaan sa Covid-19 RT-PCR testing. Kapag bibisita sa Baguio, kailangan lamang magpa-rehistro online app Baguio Visita.

“Yan naman ang layon ng pagbabakuna, ang tiyakin na protektado tayong lahat nang hindi nagpapa-swab test sa bawat lakad basta laging sundin ang IATF health protocols,” sabi ni Diploma.

Ilan pang mga local government units (LGUs) ang inaasahang papayagan ang mga bakunadong turista para makabalik sa pagha-hanapbuhay ang displaced tourism workers at small enterpreneurs.

Ayon kay Diploma, isusulong ng TURISMO Partylist ang kapakanan at mga interes ng marginal tourism sector sa darating na 19th Congress.

Leave A Reply

Your email address will not be published.