Una sa Balita

Mga bakasyunista balik Maynila na

0 239

MATAPOS ang panahon ng Semana Santa, balik na sa normal ang sitwasyon sa bahagi ng Coastal road, Macapagal Avenue at Roxas Blvd. dahil sa nagbabalikan na ang mga bakasyunista sa mga probinsya kahapon.

Wala naman problema at naging normal ang ope­rasyon ng Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) sa kabila ng dry run sa ban ng mga provincial bus na tumatahak sa kahabaan ng EDSA.

Naging sapat naman ang mga bus mula sa Cavite na nagbababa at nagsasakay sa PITX na nasasakupan ng lungsod ng Parañaque.

Karamihan sa mga pasahero dito ay galing ng Ternate, Tagaytay City, Alfonso at iba pang lugar sa Cavite area na sasakay naman ng bus patungo ng Ayala, Monumento, Navotas, at Cubao.

Karamihan sa mga pasahero ay nanggaling pa ng bakasyon mula sa Norte na sasakay naman ng bus sa ruta naman ng Cavite.

Dahil sa maaga pa, hindi naman sila nahirapan sumakay dahil sapat ang mga nakaantabay na bus sa PITX sa kabila ng dry run na ipinatutupad ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Ayon sa MMDA, voluntary ang dry run ngunit nilinaw nito na dapat may isang bus ng bawat bus company na sasama sa dry run.

Samantala, nagsagawa din ng alcohol testing si Inspectorate Anthony Cruz ng MMDA sa mga bus at jeepney driver sa PITX kung saan lahat ay nagnegatibo sa alak nang sumailalim sa pagsusuri.

Ayon kay Cruz, nanatili pa rin sa heightened alert sa PITX dahil marami pa rin ang mga pasahero na lalabas at papasok ng Metro Manila. (Armida Rico)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy