Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Mga bagong Duterte legacy

0 13

Matapos ang mahaba-habang paghihintay ay magkakaroon na ng katuparan ang matagal ng inaasam ng Bureau of Fire Protection (BFP) na modernisasyon matapos pirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang ganap na batas ang Republic Act 11589 o ang BFP Modernization Act.

Sa pamamagitan ng bagong batas ay inaasahang tataas ang morale, mas lalong magiging masigasig at magkakaroon ng modernong kagamitan ang hanay ng BFP para tumugon sa mga insidente ng sunog at iba pang kalamidad.

Sa ilalim po ng BFP Modernization Act, ilalarga ang modernisasyon sa loob ng sampung taon para sa mas moderno at world-class na institusyon at para mas mapahusay pa ang kakayahan ng mga bumbero sa pagtugon sa panahon ng emergency at panahon ng sakuna.

Hindi maikakaila na matagal ding pinangarap ng mga opisyal at tauhan ng BFP ang modernisasyon ng kanilang hanay at makasabay sa iba pang sangay ng gobyerno na ngayon ay nagtatamasa na ng magagandang pagbabago at upgrading ng mga bagong kagamitan.

Sa ilalim po ng BFP Act, aasahan ang pagbuo at pagpapatupad ng fire protection modernization program, kung saan nakapaloob sa programa ang pagbili ng mga modernong kagamitan para sa pamatay sunog; pagdaragdag ng manpower; at specialized traning para sa mga bumbero.

Itinatakda rin sa bagong batas ang pagpapatupad ng buwanang fire prevention campaign at information drives sa bawat local government unit, na dati ay ginagawa lamang isang beses isang taon tuwing dumarating ang fire prevention month.

Ituturo ng BFP sa mga mamamayan ang fire safety education o tamang paraan para makaiwas sa peligro ng sunog at maiwasan ang pagbuwis ng buhay.

Isa sa probisyon ng BFP Act ay ang pagtatatag ng specialized fire protection services sa bawat rehiyon at lungsod sa bansa kabilang na ang pagtatatag ng Security and Protection Unit (SPU) na bibigyan ng sapat na mga kagamitan para proteksiyonan ang mga kagawad ng pamatay-sunog habang tumutugon sa tungkulin.

Ang SPU ang direktang titiyak sa kaligtasan ng mga kagawad ng pamatay sunog dahil kung minsan ay nakakaranas ng harassment o banta sa kanilang buhay habang nagreresponde laban sa mga mamamayan na nais unahing iligtas ang kanilang mga tahanan.

Sa katunayan, mismong si Pangulong Duterte ang naghayag na nais niyang armasan ang mga bumbero para sa kanilang proteksiyon dahil may mga insidente na pinagbabantaan ang mga tauhan ng BFP habang tumutugon sa pag-apula ng sunog mula sa mga mamamayan.

Isa po sa mga natuwa sa paglagda ni Pangulong Duterte sa BFP Act ay si Senador Bong Go na siyang principal author ng bagong batas.

Isa ito sa mga priority bills na inihain sa senado ni Senador Go sa unang buwan ng kanyang pagiging mambabatas sa layuning mabawasan ang mga insidente ng sunog at maibsan ang hirap ng mga nagiging biktima ng mga sunog.

Bago pa man naging mambabatas si Senador Go ay aktibo na ito sa pag-iikot at pagdamay sa mga biktima ng sunog at nakita nito ang sitwasyon at hirap ng mga biktima kaya dala-dala niya ang hangarin sa Senado na palakasin pa ang kapasidad ng BFP sa pagresponde sa sunog.

Bukod sa mga makabagong kagamitan na inaasahang magagamit ng BFP, nais po ng Senador na mapaigting ang pagtuturo ng mga pag-iingat sa mga mamamayang nakatira sa mga maliliit, matao at masikip na mga lugar dahil kalimitan sa mga ganitong komunidad nagkakaroroon ng mga sunog.

Sumasaludo po tayo sa ating mga bumbero dahil kahit hindi sunog ay kasama rin sila sa mga unang nagreresponde at sumusuong sa mga sakuna at kalamidad.

Gaya nga po ng sinabi ni Senador Go, ang mga bumbero ay kabilang sa mga “first responders” dahil bahagi sila ng emergency response team ng pamahalaan, kaya naman nadagdagan ang budget ng BFP ng P1.7 billion ngayong taon para ipambili ng firefighting and rescue equipment.

Kahit mayroong pandemya ay hindi alintana ng BFP ang peligro ng COVID-19, bagkus ay patuloy na nagtatrabaho ang ating mga kagawad ng pamatay sunog at ginagampanan ang tungkulin na magligtas ng mga buhay at ari-arian.

Aasahan po na sa pamamagitan ng nakakasang modernisasyon,mas mapapahusay pa ng BFP ang pagliligtas ng buhay batay sa kanilang sinumpaang tungkulin para sa bayan.

***

Bukod sa BFP Act, pinirmahan din po ni Pangulong Duterte nitong Biyernes, September 10, 2021 ang anim na batas para sa state universities and colleges na lalong magpapatatag at mas pinahusay na access sa tertiary education o kolehiyo.

Bahagi po ito ng pangako at commitment ng Duterte administration sa mga estudyante para sa mas pinahusay na inisyatiba at pagkamit ng tagumpay sa mga piniling larangan.

Hangad po ng Duterte administration na sa pamamagitan ng state universities and colleges ay magkaroon ng mga magigiting na lider at professionals ang bansa mula sa mga sisibol na bagong henerasyon.

Ito ang mga bagong Duterte Legacy.

Leave A Reply

Your email address will not be published.