Una sa Balita

Mga atleta nagdatingan na pero wala man lang welcome committee

0 528

UNTI-UNTI nang nagdadati­ngan ang mga delegasyon mula sa kasa­ling 10 bansa na sasabak sa iho-host ng Pilipinas na ika-30 edis­yon ng Southeast Asian Games subalit wala man lamang mga personahe na tutulong sa dumadating na mga atleta, opisyales at bisita upang asistehan ang mga ito.

Hindi katulad sa nakalipas na naging host ng kada dalawang taong torneo, madalas na mayroong special lane hindi lamang para sa mga atleta kundi pati na rin sa mga opisyales, technical official at very important person sa bawat kasaling bansa na sasalubong sa mga airport ng bansa.

May siyam na araw na lamang bago ang pagbubukas ng kada dalawang taong torneo subalit walang ni isa man lamang na makikitang information table, greetings lounge o mismong mga welcoming party na makakapagbigay tulong sa mga advance party ng mga delegasyon mula sa 10 iba pang kasaling bansa. Una nang isang impormal at hindi man lamang mapapansin na bond paper na may print na ‘WELCOME, SEA Games Delegates’ ang natatanging makikita sa daan sa pangunahing dadaan sa airport sa bansa.

“Usually, mayroon na mga de­legasyon na mas nauunang duma­ting para agad nila makabisado ang mga venues, mga pasilidad at saka pati na rin ang klima dito sa bansa natin kaya dapat na mayroon na tayo reception committee na tutulong sa kanila from airport to their point of destination,” sabi ng sports official na ayaw magpabanggit ng pangalan.

Base sa polisiya ng SEA Games ay dapat na dumating ang mga de­legasyon dalawang araw bago ang pagbubukas ng kada dalawang taong torneo habang gayundin sa mga atletang sasabak sa kani-kanilang mga partikular na sasalihang torneo. (Lito Oredo)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy