Una sa Balita

Mga aral sa demokrasya mula sa ulat ni Robert Mueller

0 268

Noong nakaraang linggo, habang aba­la ang Pilipinas sa bakasyon at pagninilay-nilay na dulot ng Semana Santa, natuon ang pansin ng Estados Unidos sa paglabas ng Mueller Report.

Para sa mga hindi nakasubaybay sa politika ng nasabing bansa, ku­malat ang maraming mga alegasyon at ulat ukol sa nahalal na pangulo ng Amerika.

Natulungan umano ng pamahalaan ng bansang Russia sa pangangampanya si Pa­ngulong Donald Trump.

Ang pangingialam sa pamumuno at pagpapatakbo ng ibang bansa ay masasabing mali sa ilalim ng international law, ngunit masalimuot ang paksang ito.

Ang malinaw ay ang umano’y pagbibigay ng boses sa ibang bansa sa halalan ng bansang Amerika ay taliwas sa pagiging Amerikano.

Naunang inimbestigahan ng Federal Bureau of Investigation (FBI) ang mga paratang laban kay Trump ngunit pinatalsik nito ang noong direktor ng kawani na si James Comey taong 2017.

Iti­nuloy ng Department of Justice Special Counsel’s Office ang pag-iimbestiga, bunga ng mariing giit ng halos isang daang miyembro ng kongreso.

Related Posts

Dito naatasang Special Counsel si Robert Mueller, isang datihang kawal na umani ng mara­ming parangal dahil sa kaniyang paglingkod sa bansa bilang sundalo at pampublikong abogado.

Siya ay minsan ring na­ging deputy attorney general at direktor ng FBI mula 2001 hanggang 2013.

Ang tuon ng imbestigasyon ni Mueller ay ang orihinal na mga paratang sa Pangulong Trump na nakipagsapakatan ito sa bansang Russia, at ang pag-uusisa kung sinubukan ba nito at ng kanyang mga kaalyadong pagtakpan ang mga pagkakamaling ito. Sinimulan ni Mueller ang imbestigasyon noong Mayo ng taong 2017 at natapos lamang noong nakaraang buwan. Ang kanyang ulat, na umabot sa 448 na pahina, ay isinumite sa Attorney General na si William Barr. Sa pagsusuma ni Barr, isinaad niya ang resulta ng imbestigasyon na walang maling ginawa si Pangulong Trump. Halos hindi mahintay ng samba­yanang Amerikano ang ulat upang sila mismo ang makapagbasa at makapag-usisa, at nang lumabas ang resulta noong nakaraang linggo ay hindi nakapaniwala ang marami.

Dapat basahin natin ang buong ulat ni Mueller. Mayroong mga bahagi na hindi isinapubliko, ngunit ang mga naiwang detalye ay magbibigay sa atin ng pambihira at nakaririmarim na larawan ng mga pangyayari ng pamamalakad ni Trump. Ang ulat na ito ay mapagkakatiwalaan hindi lang dahil ito ay pinangunahan ng isang tulad ni Robert Mueller, ngunit dahil ang im­bestigasyon ay nakalap mismo sa mga pagpapatotoo at ebidensiya ng mga itinalaga ni Trump at ng mga tagasuporta niya, lalong-lalo na ang mga patotoo ng mga abogado at tagakampan­ya niya.

Masugid kong sinundan ang imbestigasyon ni Mueller at ang pinaka-ikinagulat ko, ma­liban sa mga resulta nito, ay ang mismong pagtatapos nito. Nade­talye sa ulat na mara­ming pagtatangka si Trump na ipatigil ang imbestigasyon at patalsikin si Mueller kagaya na lamang ng ginawa niya kay Comey, ngunit ang mga tauhan pa mismo ng pangulo ang sumuway sa kaniyang mga utos at tumulong upang matapos si Mueller.

Naging punto ng panunuligsa ni Pa­ngulong Trump si Robert Mueller sa loob ng dalawang taon, ngunit hindi ito naging sagabal upang makumpleto ang ulat. Nang matapos ang imbestigasyon at nang maisumite ang ulat, nahati man ang reaksyon ng lahat sa pagitan ng pagkakuntento at pagkadismaya, nagkasundo naman ang lahat sa isang bagay: na tama at totoo ang mga ulat ni Mueller — kahit na iba-iba ang kanilang konklusyon sa kanyang ulat.

At ito ang mirakulo ng demokrasya sa pagitan ng ‘di magkasundu-sundong lipunan—at tunay ang paniniwala kong mayroong kapupulutan ng aral dito para sa Pilipinas.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy