Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Mga aral sa 2022 eleksiyon

0 123

Parang kailan lang mga tropapips nang maghain ng kani-kanilang kandidatura ang ilang kandidato–ang iba, pabebe pa nga. At ngayon, tapos na halalan.

Habang isinusulat na ito, hindi pa natin alam kung sino ang mga nanalo at nadaya, este natalo. Pero malamang na may magandang lesson na maaaring matutunan sa eleksiyon na ito.

Hindi na talaga maaaring isnabin ng mga magiging kandidato sa susunod na halalan, lalo na sa national position, ang social media. Ngayon kasi, may mga kandidato pa rin na akalang sapat na ang ads sa TV at radyo para makapagpabango sa mga tao.

Pero marami na rin talagang utaw ang mga babad ang mata sa smart phones dahil kahit papaano ay madali nang makapag-internet. Mura na rin naman kasi ang “data,” at may mga libre na ring wi-fi signal kahit sa kapitbahay na hindi marunog maglagay ng password.

Kahit sabihin pang nakiki-marites lang ang mga utaw gaya ng mga ayudanatics nating kurimaw sa pagpi-Facebook at Youtube, o naghahanap ng boso o kengkoy sa Tiktok, malaki pa rin ang tiyansa na makasagap sila ng mga ikinakalat ng mga “troll” ng mga pulitiko sa social media.

Ngunit bukod sa tirada ng mga troll, nasa social media rin ang mga hirit ng mga “lehitimong” social media users na may maraming followers gaya ng mga celebrity, at maging ang tinatawag na “influencers.”

Isa pang lesson sa halalang ito ang tila pagiging “irrelevant” na ng partido. May mga kandidato na tumakbong “independent” na lang sa halip na umanib sa partido.

Kaya ang nangyari, inaampon ang kandidatong independent ng iba’t ibang partido. Aba’y wais. Kapag nanalo ang mga “independent” candidate na ito, tiyak na lalo pang mawawalan na ng silbi ang partido pulitikal sa bansa pagdating ng halalan.

Kahit nga ang “dominant” party na “PDP-Laban, nabiyak sa pagitan nina Energy Secretary Alfonso Cusi vs paksiyon nina Sens. Manny Pacquiao at Koko Pimentel. At ang paksyon ni Cusi ang kinilala ng COMELEC na legit na PDP-Laban. Kaso, wala rin iyong “opisyal” na kandidatong pangulo at halip ay “inampon” lang si Bongbong Marcos.

Ang mahigpit na nakatunggali noon ng PDP-Laban sa 2016 elections na Liberal Party, parang “naulila” rin dahil ang “manok” nila na si VP Leni Robredo ay kinikilalang “independent” candidate.

Wala ring “legit” na kandidato sa panguluhan ang malalaking partido na Nacionalista Party at Lakas-CMD, dahil ang opisyal na partido ng sinusuportahan nilang presidential bet na Marcos eh Partido Federal ng Pilipinas ang dala-dala. Ang Nationalist Peoples Coalition, nagsiguro rin at walang lantarang manok.

Ang mga lokal na opisyal tulad ng mga mayor na kaanib ng iba’t ibang partido, eh nagtatag naman ng mga tinatawag na “lokal party” para iwas-pusoy din sa away ng mga kandidato sa national position, partikular sa presidente.

Pero ang higit na malaking lesson siguro sa halalan ito, eh ang katotohanan na hindi pa ready ang mga Pinoy na “itaas” ang antas ng kampanyahan. Mas gusto pa rin ng marami ang kampanyahan na may bolahan, pag-aliw, kumita o may makuhang pakinabang, sa halip na hanapan ng tunay na plataporma ang mga kandidato.

Kung may magbabago ba rito sa 2028 presidential elections, malalaman natin… ‘yah eh kung mayroon pa uling eleksiyon. Abangan. Laging Tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy nyo”

Leave A Reply

Your email address will not be published.