Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Mga anak ng private employee bet na pabakunahan

0 92

Ikinukunsidera na ng pribadong sektor na pabakunahan kontra COVID-19 ang mga anak ng kanilang mga empleyado.

Sa isinagawang Laging Handa briefing kahapon, sinabi ni Presidential Adviser for Entrepreneurship Sec. Joey Concepcion na umaabot ng 90% hanggang 100% ang tiwala at pagtanggap ng pribadong sektor sa bisa ng bakuna kung kaya’t plano na rin nilang pabakunahan ang mag anak ng kanilang mga manggagawa.

Idinagdag ni Concepcion na may posibilidad na magkasakit ang hindi pa bakunadong miyembro ng pamilya kapag lumabas ito ng bahay at kapitan ng virus sa labas.

Aniya, mahalagang mabakunahan ang lahat sa loob ng family bubble at binabalak din nila itong gawin sa kanilang business bubble para maging protektdo ang lahat sa virus.

Noong Hunyo, inaprubahan ng Philippine Food and Drug Administration (FDA) ang emergency use authorization (EUA) ng Pfizer COVID-19 vaccine para sa mga menor de edad na 12 hanggang 15.

Binigyan din ng FDA ng EUA ang Moderna vaccine noong Setyembre para mga edad na 12 hanggang 17.

Tiniyak naman ni Concepcion na may nakahanda na silang mga bakuna para sa mga anak ng kanilang mga kawani sakaling makapasa sa testing ang mga bakuna para sa mga edad na 12 hanggang 17.

Samantala, sinabi ni Pangulong Duterte sa Talk to the People noong Lunes na halos 50 milyong doses na ng COVID-19 vaccines ang naiturok sa mga mamamayan kung saan 23 milyon sa mga ito ang fully-vaccinated na.

Sa Metro Manila pa lang ay halos 77% na o 7.5 milyon aniya ang fully-vaccinated na.(Mia Billones)

Leave A Reply

Your email address will not be published.