Una sa Balita

Mga Ampatuan hahatulan sa Disyembre 19

0 459

HAHATULAN ng ang mga akusado sa may isang dekada nang Maguindanao Massacre sa darating na Disyembre 19 ng taong kasalukuyan.

Sisimulan bandang alas-nuwebe ng umaga ang promulgasyon sa kasong multiple murder laban sa mga akusado sa Maguindanao massacre sa Quezon City Jail Annex sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City, ayon kay Quezon City Regional Trial Court (QCRTC) Branch 221 Judge Jocelyn Solis-Reyes.

Una dito ay binigyan ng Supreme Court si Judge Solis-Reyes ng hanggang Disyembre 20 na ibaba ang desisyon, matapos na humingi ito na bigyan pa siya ng 30 araw upang masusing pag-aralan ang gagawing promulgasyon dahil sa dami ng mga akusado sa nasabing kaso.

Sa rekord, 15 ang may apelyidong Ampatuan, kabilang ang magkapatid na Andal Jr., Zaldy, at Sajid, na kabilang sa 197 akusado na sinasabing nagsabuwatan sa pagpatay sa may 58 katao, kabilang ang 32 mamamahayag sa bayan ng Ampatuan noong Nobyembre 23, 2009.

Nabatid na umaabot pa sa 80 suspek ang kinasuhan ng murder ang nananatiling nakalalaya pa.

Ang pagpatay ay may kinalaman sa politika matapos na pagbabarilin ang misis, mga kapatid na babae, mga taga-suporta at mga mamamahayg na sumama sa convoy sa paghahain ng kandidatura ni dating Buluan town vice mayor at ngayon ay congressman Esmael ‘Toto’ Mangudadatu.

Pinasalamatan naman ni Justice Secretary Menar­do Guevarra, si Judge Solis Reyes sa ipinamalas nitong sipag at pasensiya.

“We trust that she will dispense justice evenhandedly and with utmost respect for the rule of law,” ani Guevarra.

Magugunitang hiniling ng state prosecutor na ibalik na sa kulungan ang isa sa utak ng malagim na Maguindanao Massacre na si dating Autonomous Region in Muslim Mindanao Governor Zaldy Ampatuan upang hindi makatakas sa nalalapit na promulgasyon ng Quezon City Regional Trial Court.

Si Ampatuan ay kasalukuyan pa ring naka-confine sa Makati Medical Center, kaya naman bago umano ilabas ang hatol laban sa kanya at sa may 198 akusado sa darating na Disyembre 19, ay kailangan na umano itong ibalik sa kanyang kulungan sa Camp Bagong Diwa. (Dolly Cabreza)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More