Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Mga alaala at aral ng MV Dona Paz

0 341

Magandang araw, Mga Kakampi!

Sa a-bente ng Disyembre, gugunitain ang ika-34 anibersaryo ang paglubog ng MV Dona Paz, na siyang itinuturing na pinakamalaking trahedya sa karagatan sa kasaysayan, hindi lang dito sa Pilipinas, kundi maging sa buong mundo

Naglalayag ang MV Dona Paz patungong Maynila mula Leyte nang bumangga ito sa oil tanker na MT Vector bago tuluyang lumubog. Nasa 4,386 katao ang nasawi habang 25 lang ang nakaligtas.

Walang manifesto ang barko kaya hindi tiyak ang kabuuang bilang ng pasaherong lulan nito. Batay sa pahayag ng mga saksi, overloaded ang barko nang umalis ito sa Leyte.

Hindi ko makakalimutan ang pangyayaring ito dahil ito ang pinakauna, pinakamalaki at pinakamatagal na kasong hinawakan ko sa mahigit tatlumpung taon ko bilang abogado.

Nang mangyari iyon, kababalik ko lang sa Maynila galing Estados Unidos matapos ang aking graduation sa Northern Illinois University.

Kaya intern pa lang ako nang sumali sa team na tumutulong sa mga biktima MV Dona Paz. Nang makapasa na ako ng Bar sa Pilipinas, isa ito sa aking mga naging kaso nang magtrabaho na ako bilang abogado.

Nang makausap namin ang mga mga nakaligtas na biktima at mga pamilya ng mga nasawi sa trahedya, napag-alaman namin na ilan sa kanila ang inaalok ng maliit na halaga para huwag nang magdemanda.

May isang nanay nga, inaalok ng P5,000 lang bilang kabayaran sa pagkamatay ng kanyang anak kapalit ng pagpirma ng quitclaim, waivers o releases. Ibig sabihin nito, hindi na sila magsasampa ng kaso o maghahabol sa kumpanya na may responsibilidad sa trahedya.

Hindi boluntaryong ginawa ang mga quitclaims at hindi rin alam ng ilan sa mga biktima ang laman ng kanilang pinirmahan.

-ooo-

Kaya naghain kami ng civil case para makakuha ng danyos sa pamamagitan ng class action. Ngunit ibinasura ng hukuman ang kaso sa kadahilanang hindi ito ang tamang mekanismo para litisin ang kaso. Nadagdagan pa ang problema nang katigan ng Korte Suprema ang desisyon ng mababang kapulungan.

Sa panahong iyon, malaking pagsubok ang aming kinaharap dahil sa desisyon ng Korte Suprema. Hindi naman kami puwedeng maghain ng kaso para sa bawat pamilya ng mga libu-libong biktima ng trahedya.

Nakipag-ugnayan kami sa isang law firm sa Amerika na naghain ng class action sa Estados Unidos. Noong una, akala naming madali at mas mabilis kaming makakakuha ng katarungan.

Subalit marami pang bakbakang ligal ang nangyari sa Amerika kaya tumagal nang tumagal ang kaso. Kaya hindi rin namin naiwasang tanungin ang aming sarili kung makakakuha ba ng katarungan ang mga biktima ng trahedya.

Matapos ang ilang dekada, nakahinga rin kami nang maluwag nang nagkaroon ng settlement sa kaso kung saan nabayaran ang mga pamilya ng mga biktima ng P200,000 bawat isa.

Sa wakas, kahit mahaba ang pinaghintay, nagkaroon din ng katarungan ang sinapit ng kanilang mga mahal sa buhay.

-ooo-

Mga Kakampi, gaya ng mga pamilyang tinulungan natin, huwag tayong susuko, kahit gaano pa kahaba at kahirap ang laban.

Kailangan nating lumaban dahil kagaya sa kasong ito, nakakuha pa rin ng katarungan ang mga biktima ng trahedya kahit matagal na panahon ang kanilang pinaghintay.

-ooo-

Mga Kakampi, kung may gusto kayong malaman tungkol sa batas, bukas po ang FREE LEGAL HELPDESK para sa inyo. Pumunta lang sa facebook.com/cheldiokno at i-click ang “Send Message”. Dahil parating handang tumulong ANG ABOGADO NG MGA DEHADO!

Leave A Reply

Your email address will not be published.