Una sa Balita

Mga Aeta walang tiwala sa BCDA-Dizon

0 473

DINEDMA lamang ng mga Aeta ang eviction notice na inis­yu ng Bases Conversion Development Authority (BCDA) na pinamumunuan ni Vince Dizon, dating consultant ni House Speaker Alan Peter Cayetano noong senador pa ito.

Pitong araw lang ang binigay sa kanilang palugit para lumayas sa lupang tinitirahan nila sa Capas, Tarlac pero natapos na ang deadline at nanatili pa rin ang mga Aeta sa kanilang tirahan.

“Mga 200 families pa ang naiwan,” paglalahad ni Aya Santos ng grupong Sandugo na siyang tumutulong sa mga katutubo.

Sa huling impormasyon nila, hinigpitan na ang pagpasok sa lugar at pinagbawalan ang media na makapasok sa binakuran nilang lugar.
“Andun pa rin sila. May naka-setup na daw na checkpoint. Hindi nagpapapasok outsider lalo na media,” dagdag ni Santos sa Abante.

Naunang pinalayas ang mga Aeta nang ipatayo ang New Clark City na siyang pinagdausan ng katatapos lamang na 30th Southeast Asian Games. Dito nakatayo ang kontrober­syal na P55 milyong cauldron stadium na binansagang ‘kalderong ginto’ sa social media.

Subalit hindi pa tapos ang pagpapalayas sa mga Aeta dahil naman sa ipagagawang kalsada patungong Clark Airport.

“Nais po naming ipabatid sa inyo na ang lupain na kasalukuyang kinatitirikan ng inyong bahay/istruktura o sinasaka niyo sa Barangay Aranguren, Capas, Tarlac ay pagmamay-ari ng pamahalaan na nasa ilalim ng pangangasiwa ng BCDA, ayon sa Batas Republika Bilang 7227,” ayon sa notice.

Ang mga Aeta ay inalok ng halagang P30 bawat square meter ng kanilang lupa.
Hindi naman kinagat ng maraming aeta ang alok ng BCDA. Wala rin silang tiwala sa mga matatamis na panana­lita para mapalayas sa kanilang lupain.

Nanindigan ang mga Aeta na ang lupain ay minana pa nila sa kanilang mga ninuno at wala pa ang BCDA ay sila na ang nagmamay-ari ng lupain dito.

Sa kabila ng mga tinanggap na batikos dahil sa pagpapalayas sa mga Aeta, nanindigan ang BCDA sa inisyung statement noong Disyembre 5 na standard practice ang paglalabas ng eviction notice at ang pag-aalok ng financial assistant sa mga maapektuhang pamilya.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy