Una sa Balita

Mga Aeta binuldozer ng BCDA- Dizon

0 427

GINAMITAN ng bulldozer ng Bases Conversion Development Authority (BCDA) ang pagpapalayas sa mga Aeta sa Baragay Arenguren, Capas, Tarlac para sa ipapagawang access road sa New Clark City.

Nangyari ito noong Lunes, Enero 20, nang magpadala ng bulldozer ang contractor na kinuha ng BCDA na pinamumunuan ng bata ni House Speaker Alan Peter Cayetano na si Vince Dizon, para mapalayas ang mga Aeta at mapatag ang bundok na gagawing kalsada.

Ayon sa grupong Sandugo, nagkagulo ang mga Aeta sa pagdating ng bulldozer pero nagkaisa silang harangan ang heavy equipment.

Sa takot na umagos ang dugo, nakipag-usap sa mga katutubo ang bisor sa site para umalis sa harap ng bulldozer.

Hindi naman natinag ang mga Aeta kaya tinigil ang pagpapatag ng bundok. Nangangamba naman ang mga Aeta sa posibleng pagbalik ng bulldozer para sirain ang kanilang mga kubol.

“Sa katangian ng BCDA, at sa rekord nang walang pakundangang paglabag ng korporasyon ng gobyerno sa karapatang pantao at karapatan sa lupa ng mga katutubo at magsasaka sa konstruksyon ng phase 1A ng New Clark City, higit pang lalo ang paghahanda ng mga katutubo sa anumang muling atake sa kanilang paninirahan at kabuhayan,” ayon naman sa statement ng Asosasyon ng Katutubong Mahawang (AKMA).

Noong Disyembre 2019 pa binigyan ng 7-day notice of eviction ng BCDA ang mga Aeta. Nagbigay naman sila ng kasagutan sa tanggapan ni Dizon sa pamamagitan ni Atty. Tony Laviña.

Ayon sa mga Aeta, pag-aari nila ang nasabing lupain sa ilalim ng Indigenous People’s Rights Act (IPRA) at ang lupaing ito ay minamay-ari na nila sapul noong pananakop ng mga Kastila.

Nanawagan naman ang mga Aeta sa publiko na suportahan ang ipinaglalaban nilang lupa sa Tarlac.

“Nananawagan ang mga katutubong Aeta sa mga mamamayang nagmamahal sa kalikasan at karapatan na patuloy na samahan ang mga katutubo sa kanilang laban para sa pagtatanggol ng lupang ninuno at karapatan sa sariling pagpapasya,” ayon sa AKMA.

Wala pang nilalabas na statement ang BCDA sa nasabing insidente.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More