Una sa Balita

Mga adik sa showbiz bantay-sarado ng PNP

By , ,
0 231

POSIBLENG masundan pa ng taga-showbiz ang pagkakaaresto sa dating child actor na si CJ Ramos dahil isinasailalim na ngayon sa masu­sing pagmamanman ng mga operatiba ng Philippine National Police (PNP) ang mga artista na pinaghihinalaang sangkot o gumagamit ng iligal na droga.

Ito ang nabatid ng Abante mula sa ilang source sa mga anti-drugs operative ng PNP matapos masakote si Ramos sa isang buy-bust operation.

Nabatid na wala umano si Ramos sa listahan ng mga celebrity na kanilang sinusubay­bayan at nagkataon lang na nahuli nila ito sa buy-bust.

Gayonman, hindi nagbigay ng anumang ‘clue’ ang mga source ng Abante kung sino-sino nga ba ang mga tinutukoy na kanilang ‘sinusundan’ o ‘under surveillance’ na mga artistang nasa drug watch list ng PNP.

“Highly confidential. May mga sinusundan kaming nag-lay low. Meron namang nagtatago pa rin at ‘yung iba, may activity sa mainstream media. Alam nila iyan,” pahayag ng isang source.

Kaya sa aksidenteng pagkakahuli umano nila kay CJ at sa ginawa nitong pag-amin at pagsasalita ng pagsisisi ay matauhan na sana ang ibang artista na gumagamit ng bawal na droga.

Ang dating ‘Ang Tanging Yaman’ child actor na si CJ ang pinakahuli sa listahan ng mga local celebrity na nahuli sa droga.

Ayon kay CJ na 31-anyos na ngayon, natukso lang siya nang gabing mahuli siya kasama ang dalawa pa dahil isang taon na siyang hindi gumagamit nito at tiniis niya ang anumang pananabik sa droga.

Naglalaba umano siya nang araw na iyon pero dahil kailangan niya ng pampalakas kaya muli niyang sinubukan ang bumili nito. Pero iyon na nga, naaresto siya.

Ayon sa kanya, dahil na rin sa mga sari-saring problema sa kanyang pamilya at ang kawalan ng career ngayon ang naging dahilan upang matutunan niya ang gumamit ng shabu para makalimot at maging aktibo sa ibang bagay.

Sa pagkakahuli sa kanya, malaki ang kanyang pagsisisi at pinayuhan pa niya ang ibang celebrity na gumagamit ng droga na tigilan na dahil talo talaga sila nito.

Nitong mga nakaraang taon ay ilan sa mga artista ang nahuli at nakulong dahil sa droga.

Kabilang dito sina Mark Anthony Fernandez na nahulihan noong Oktubre 3, 2016 ng isang kilo ng marijuana pero ngayon ay nakalaya na. Bumalik siya sa pag-arte sa ‘Ang Probinsyano’, pero hindi na katulad noon, na nagi­ging leading man pa siya sa mga teleserye.

Ang sexy starlet na si Krista Miller, si Sab­rina M, ang dating sexy star din na si Brigitte de Joya.
 Si Julio Diaz, binalik-balikan din ang droga kahit nga nagkasakit na siya. Hanggang sa tulu­yan na siyang nakulong.