Una sa Balita

Metro Manila panis: La Salle-Bacolod law grad lodi sa 2017 Bar

By
0 1,086

Kumpara sa mga nakalipas na pagsusulit para sa abogasya ay mas maraming taga-probinsiya ang nakapasok sa top 10 ng 2017 Bar exam na pinangunahan ni Mark John H. Simondo ng University of St. La Salle Bacolod na nakakuha ng average na 91.05%.

Bukod kay Simondo ay tatlo pang taga-Visayas at isang taga-Mindanao ang nakapasok sa top 10, batay sa resulta ng 2017 Bar exam na inilabas ng Supreme Court kahapon.

Narito ang buong listahan ng pumangalawa hanggang top 10 ng 2017 Bar exam:

2. Christianne Mae C. Balili ng University of San Carlos, 90.80%.

3. Camille B. Remoroza ng Ateneo de Davao University, 90.70%.

4. Ivanne D’Laureil I. Hisoler ng University of San Carlos, 89.55.

5. Monica Anne T. Yap ng San Beda College-Manila, 89.45%.

6. Lorenzo Luigi T. Gayya ng University of Santo Tomas, 89.1%.

7. Rheland S. Servacio ng University of San Carlos, 89%.

8. Krizza Fe P. Alcantara ng St. Mary’s University at Algie Kwillon B. Mariacos ng San Beda College Manila, parehong nakakuha ng 88.9%.

9. Klinton M. Toralba ng University of Santo Tomas, 88.65%.

10. Emma Ruby J. Aguilar ng University of Santo Tomas, 88.40%.

Dakong ala-1:15 nang ilabas ng Korte Suprema ang listahan ng mga pa­ngalan ng mga pumasa sa Bar exam na maaga pa lamang ay inaabangan na ng mga law graduate na kumuha ng pagsusulit.

Sa panayam ng isang himpilan ng radyo, inihayag ni Simondo na hindi niya akalain na masusungkit niya ang top 1 ng 2017 Bar exam.

“Okay lang hindi mag-top sana makapasa lang,” ayon sa kanya.

Nabatid na isang oras pa matapos ianunsyo ni SC Associate Justice Lucas Bersamin ang resulta ng eksaminasyon bago nalaman ni Simondo na siya ang nanguna dito.

Gayunman, inamin ni Simondo na talagang isinubsob niya ang sarili sa pag-aaral ng abogasya.

Alas-dos pa lamang umano ng madaling-araw hanggang alas-nuwebe ng gabi ay nag-aaral na siya apat na buwan bago ang araw ng Bar exam.

Pinasalamatan ni Simondo ang kanyang mga magulang sa ibinigay na suporta at pang-unawa sa kanya noong nag-aaral pa lamang siya.

Wala pang asawa si Simondo pero inamin nito na mayroon na siyang kasintahan.

Ito ang kauna-unahang pagkakataon na nagkaroon ng topnotcher ang University of St. La Salle Bacolod sa Bar exam.

Para sa kumpletong resulta ng 2017 bar exam bumisita sa www.abante.com.ph