Una sa Balita

Metro Manila, 17 taon pang babahain — DPWH

By
0 460

MARAMI pang babau­ning pasensiya at titii­sing konsumisyon ang publiko para lubusang guminhawa sa problema sa baha matapos aminin ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na magtatagal pa hanggang 2035 bago tuluyang matapos ang flood control master plan para sa Metro Manila.

Ayon kay DPWH engineer Lydia Aguilar, ito ay dahil umaabot pa lang sa 14 porsiyento ng mga proyekto mula sa P352 bilyong budget sa flood control master plan sa Metro Manila ang napag­laanan ng pondo ng ahensiya simula nang ilunsad ito noong 2012.

Kasama aniya dito ang mga proyektong kailangang matapos ng DPWH sa 2019.

Giit ni Aguilar, target ng DPWH na matapos ang kabuuang proyekto sa 2035 para maibsan ang tumitinding problema sa baha, hindi lang sa Metro Manila kundi maging sa ibang panig ng bansa.

“Malayo-layo pa po ‘yung aming tatahakin para po ma-implement ‘yung kabuuan ng master plan,” pag-amin pa ni Aguilar sa kanyang pagdalo sa pagdinig ng Senado kaugnay sa tunay na kalagayan ng mga flood control project ng ahensiya para sa Metro Manila.

Sinabi rin ni Patrick Gatan, project director ng flood control management cluster ng DPWH, na hindi lang mga proyekto kontra baha sa Metro Manila ang kanilang pinopondohan kundi pati na rin ang mga mabababang lugar sa mga karatig na lalawigan na madalas ay halos malubog na sa baha ang buong bahay kapag bumubuhos ang malalakas na ulan.

Aniya, limitado ang budget ng DPWH para sa flood control kung kaya’t tinutukoy muna nila ang mga priority project na uunahin nilang pondohan.

Ilan sa mga proyekto na kasama sa prayoridad ng master plan ng DPWH ay ang rehabilitasyon ng mga pumping station at drainage channel, konstruksiyon ng mga dam at road dike.