Una sa Balita

Metabolismo, diabetes

0 313

Kamakailan, may isang article na lumabas sa dyaryo na nagsasabing ang sakit na diabetes ay maari nang ituring na epidemiya dito sa ­ating bansa.

Maraming uri ng diabetes ngunit kadalasang makikita ay ang diabetes mellitus na nade-develop habang tayo ay tumatanda.

Ang diabetes mellitus ay maituturing na sakit na nakukuha kung hindi maayos ang metabolism ng isang tao. Ano nga ba ang metabolism? Palagi natin itong naririnig at nakikita kapag health ang pinag-uusapan. Ang kahulugan ng salitang ito ay ang mga kemikal na proseso sa isang tao (o hayop), para panatilihin ang buhay. Metabolismo din ang tawag sa proseso ng pagpapalit ng lahat ng kinakain natin at iniinom upang magamit ng ating katawan. Ang mga calories na galing sa mga ito ay hinahaluan ng oxygen upang maging energy. Kung magkaproblema ang mga organ natin at hindi umayos ang metabolismo natin, magkakaroon tayo ng mga sakit at karamdaman. Isa na nga dito ang sakit na diabetes.

Ang mga kinakain natin, pagdating sa tiyan at bituka, ay nagiging asukal na siyang nagpapagana ng ating katawan. Kung tama ang kain, tama ang metabolismo, sapat ang enerhiya. Kapag sumobra ang kain, hindi ibig sabihin ay mas mabuti dahil sa karag­dagang enerhiya. Tataas ang lebel ng asukal sa ating dugo at ang kalalabasan ay ilang komplikasyon, lalo na kung mapapabayaan ang ganitong kalagayan. Kabilang sa mga komplikasyon ay maaapektuhan ang mga mata, ang puso at mga maliliit na ugat (lalong lalo na sa kamay at paa), mga nerves, tenga, balat at mga kidneys. Kakailanganin ang gamutan, na madalas pang habang buhay. Kapag tunay na lumala, umaabot pa sa operas­yon o dialysis.

Sa totoo, hindi naman kailangan umabot sa ganitong kalagayan. Ang pinakaimportante ay mabantayan ang lifestyle natin. Ang simpleng pagkain, pagkilos at paggalaw sa pang araw-araw ay kailangan maa­yos. Kumain ng tama at sapat, sa tamang oras. May protina, carbohydrates at kaunting fat. Hindi sapat ang pag-iwas sa pagkain ng matamis. Ang carbohydrates kapag dumaan sa metabolism ay nagiging ­asukal din. Ang mga halimbawa nito ay ang puting kanin, processed food, patatas, pasta, white bread at iba pa.

Hindi natin sinasabi na huwag nang kumain, kung hindi, piliin ng maayos ang kinakain. Gumamit ng brown o black rice pang kanin, mag wheat pasta o tinapay, o ‘di kaya kamote imbes na patatas. Ang mga ito ay matataas ang fiber content na tumutulong sa pag-alis ng mga excess sa ating katawan. Sa kilos at galaw, huwag sobra-sobra ang ehersisyo, ‘yung tama lang, at dapat sapat na pahinga. Sa pamamagitan nito, puwedeng mapigilan ang adult onset diabetes o diabetes mellitus. Siyempre, ang pag-monitor ng lebel ng asukal sa dugo ay kinakailangan para makasiguro na nasa normal na lebel tayo.
Hanggang sa susunod na Martes!

***

J. RYLAN G. FLORES, MD ay isang orthopaedic­ surgeon, nutrigenomics practitioner at DNA profiler,­ fellow ng International College of Surgeons at Philippine Academy of Medical Specialists. Siya ay mata­tagpuan sa De los Santos Medical Center. Speaker sa iba’t ibang talakayan (medical man at iba pa, dito at internasyonal). Isang personalidad sa pelikula, tele­bisyon, at radio (mapapakinggan sa Kalusugan Kakabilib sa DWIZ882 tuwing lingo 11am-12nn). Sundan sa twitter@rylanflores, gamitin ang hashtag na #docquestion at Facebook sa Doc Rylan para sa mga komentaryo at katanungan.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy