Una sa Balita

Meralco nagtapyas ng singil sa kuryente

0 262

NAG-ANUNSYO kahapon ang Meralco ng bilyonaryong si Manny V. Pangilinan ng panibagong bawas singil ng kuryente ngayong Setyembre.

Bababa ang singil sa kuryente ngayong buwan ng 52.6 sentimos per kilowatt hour na katumbas ng P105 na kabawasan sa bill ngayong Setyembre.

Ayon sa Meralco, ito ang panlimang buwan na sunod-sunod na baba ng singil ng kuryente na umaabot na sa P1.52 per kilowatt simula noong April 2019.

Sabi ng Meralco, bumaba ang generation charge ng 44.29 sentimos per kWh dahil sa pagbaba ng singil sa Wholesale Electricity Spot Market.

Bumaba ang singil sa WESM ng P3.6503 per kWh dahil umayos ang suplay ng kuryente sa Luzon grid at walang idineklarang red o yellow alert sa buong buwan.
Napababa din ng presyo sa WESM ang kautusan ng Energy Regulatory Commission na i-refund ang tinatawag na net settlement surplus noong August 1. Nasa 17% ang kinukuhang kuryente ng Meralco sa WESM.

Sabi ng Meralco, bumaba din ang presyo ng kuryente mula sa mga power supply agreements ng 15.22 sentimos per kWh dahil bumaba ang presyo ng fuel. Nasa 44% ang kuryente na kinukuha ng Meralco sa PSA.

Tumaas naman ang presyo ng kuryente mula sa independent power producers ng 48.44 sentimos dahil sa paghina ng piso laban sa dolyar at dahil kumaunti ang na-dispatch sa mga planta. Nasa 95% ng gastos ng mga IPP ay dollar denominated at sa kanila nanggagaling ang 39% ng kuryente na kinukuha ng Meralco.

Samantala, tumaas ang transmission charge sa mga residential customers ng 0.56 sentimos per kWh habang bumaba naman ang mga buwis at iba pang charges ng 8.86 sentimos per kWh. (Eileen Mencias/Edwin Balasa)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy