Una sa Balita

Meralco nag-anunsyo agad ng dagdag singil sa Marso

By
0 2,374

KALAGITNAAN pa lang ng Pebrero ay nag-anunsyo na agad ang Meralco na posibleng mas lumobo o madagdagan pa ang nakaumang na pagtaas ng kanilang singil sa kuryente sa susunod na buwan ng Marso.

Ayon kay Meralco­ spokesperson Joe Zaldarriaga, inaasahan nilang papatak na sa Marso ang inutay-utay na dagdag singil sa kuryente na P0.33 kada kilowatt hour (kWh) ngunit maaaring madagdagan pa ito sakaling sumadsad ang palitan ng piso kontra dolyar.

“Sakali man maging flat siya, plus the P0.33. ‘Yung P0.33 talagang kailangan mo nang i-apply ‘yun for March, so kung baga mayroon ka nang add-on,” paliwanag ni Zaldarriaga.

Matatandaang magpapatupad sana ang Meralco ng P1.08 kada kWh na dagdag singil sa kuryente ngayong Pebrero ngunit dahil masyadong malaki ito ay hinati sa dalawang buwan.

Ang unang 75 sentimos ay sisingilin ng Meralco ngayong Pebrero habang sisimulan namang singilin sa Marso ang natitirang 33 sentimos.

Una nang sinabi ni Zaldarriaga na ang dagdag singil ay bunsod nang pagbabalik sa normal ng presyo ng kuryente sa mga power plant, na dating bumaba ang halaga noong Dis­yembre at Enero.

Isa pa sa mga itinuturong dahilan ng pagtaas ng singil sa kuryente ay ang paghina ng piso kontra dolyar noong Ene­ro. Isasama rin aniya sa kuwenta ang buwis na ipapataw sa transmission charge dulot ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.