Una sa Balita

Meralco-MVP umaray sa Leviste Solar Franchise

By ,
0 1,358

HINDI pa man ganap na naisasabatas ang panukalang magbibigay ng ‘mega solar franchise’ sa Solar Para sa Bayan Corporation (SPBC) ng anak ni Senador Loren Legarda para makapag-operate ito sa buong bansa ay pumalag na ang kompanya ng Meralco na pag-aari ng 72-anyos na binatang negosyante na si Manuel V. Pangilinan.

Sa mga dokumentong napasakamay ng Abante, nabatid na sumulat kay Palawan Rep. Franz Alvarez, chairman ng House committee on legislative franchises, si Jose Ro­nald V. Valles, vice president at pinuno ng Regulatory Management ng Meralco, para tutulan ang pagkakaloob ng nationwide franchise sa SPBC na pag-aari ni Leandro Leviste.

Hiniling ni Valles na ipagpaliban ng komite ang pag-apruba sa panukalang solar franchise sa SPBC habang isinasailalim sa pag-aaral ang lahat ng punto ng mga stakeholder sa sektor ng enerhiya sa bansa.

Sabi ng Meralco, “unreasonable and discriminatory” kung bibigyan ng prangkisa ang SPBC para makapag-operate sa buong bansa dahil nilalabag nito ang ginagarantiyang “equal protection of the laws” sa ilalim ng Saligang Batas.

Ito’y dahil malawak umano ang sakop ng ibibigay na prangkisa sa SPBC at walang restriksiyon at limitasyon na hindi katulad ng ipinatutupad sa iba pang electric power industry participants sa ilalim ng Electric Power Industry Reform Act (EPIRA).

Salungat umano ang pagkakaloob ng ‘mega franchise’ sa SPBC sa ilalim ng EPIRA na layuning magkaroon ng malaya at patas na kompetisyon.

Sinabi pa ng Meralco na ang mga insentibong ibibigay sa SPBC katulad ng exemption sa pagbabayad ng anumang buwis sa mga pamahalaang lokal ay salungat sa local fiscal autonomy na nakasaad sa Saligang Batas.

“This anti-competitive effect goes against the principles of the EPIRA, which seeks to encourage competition in the generation and retail sectors,” ayon sa Meralco.

MGA GALAMAY NI LOREN GUMALAW!

Doble-kayod naman umano ang mga emisaryo ni Senador Legarda sa pangangalap ng suporta sa Kamara para maipasa ang prangkisa ng SPBC.

Giit ng isang mambabatas na taga-Mindanao subalit ayaw lumantad sa publiko, ilan sa mga sugo ni Legarda ay regular umanong nangu­ngulit sa kanya upang suportahan ang panukalang prangkisa para sa SBPC kapag isinalang na ito sa plenaryo.

Paliwanag ng mam­babatas na nag-oopisina sa Ramon V. Mitra Building sa loob ng Batasan Pambansa Complex, ayaw umanong magpaki­lala ng mga alipores ng senadora habang kausap niya ito sa telepono subalit handa umano sila na makipagkita sa kongresista nang personal kung siya’y mangangakong susuportahan ang pagpapasa ng prangkisa ng SPBC.

Dagdag pa ng kongresista, may ilang grupo din na tumatawag sa kanya at nagpapakilalang mga “advocates” umano ng renewable energy subalit ayaw nilang magpakilala habang kausap siya sa cellphone, bagkus, gusto nilang personal na makipag “one-on-one” sa mambabatas.

Samantala, dala­wang mambatas mula sa Luzon na ayaw din munang lumantad ang nakaranas din umano ng parehas na karanasan kagaya ng kongresista mula sa Mindanao.

MONOPOLYO SA SOLAR HAHARANGIN

Kokontrahin naman umano ni House Mino­rity Leader at Quezon Rep. Danilo Suarez ang pagkakaloob ng 25-taong prangkisa sa SPBC dahil magbibigay ito ng monopolyo sa naturang kompanya sa industriya ng solar energy sa bansa.

“Wala pa sa plenary pero I will object there. That’s monopoly. Puwede bang national franchise ang solar? Hindi naman monopoly na nationwide,” ani Suarez.

“We will oppose there in the plenary, mali ‘yun eh. We don’t like monopoly, monopoly game lang ‘yun,” sabi pa ng mambabatas.