Una sa Balita

Meralco-MVP sumabay ng taas singil

Presyo ng sabon, de-lata sumirit

By , ,
0 1,021

ITATAAS ng Meralco sa P0.31 per kilowatt hour ang sinisingil sa kanilang mga consumer ngayong buwan ng Hul­yo dahil tumaas umano ang presyo ng kuryente sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM).

Ayon sa Meralco, ito ay katumbas ng P62.60 na dagdag sa mga kumokonsumo ng 200 kilowatt hour kada buwan, nasa P93.90 na dagdag kung ang konsumo ay 300 kilowatt hour kada buwan.

Nasa P125.20 na dag­dag kung ang konsumo naman ay 400 kilowatt hour kada buwan at P156.20 na dagdag para sa mga kumokonsumo ng 400 kilowatt hour kada buwan.

Abante Hiring – IT dep

Paliwanag pa ng higanteng kompanya na pag-aari ng binatang negosyante na si Manuel V. Pangilinan, itataas nila ng 31 sentimo per kilowatt hour ang singil ngayong Hulyo dahil nagmahal ang average na presyo ng kuryente sa WESM ng 70 sentimo.

Nagmahal din ang bili nito ng kuryente sa iba nilang supplier ng 35 sentimo per kilowatt hour at 15 sentimo per kilowatt hour.

Sa kabuuan, ang itinaas ng generation charge ay umabot sa 28 sentimo per kilowatt hour. Kung isusuma umano kasama ang buwis at iba pang charge, sinabi ng Meralco na aabot lahat sa 31.3 sentimo ang taas singil sa kuryente.

Samantala, inihayag kahapon ng Department of Trade and Industry (DTI) na tumaas ang presyo ng mga sabon at de-lata ngayong buwan.

Tumaas ng P0.50 sentimo ang suggested retail price (SRP) ng isang brand ng sabon panlaba. Maging ang mga de-lata tulad ng sardinas, corned beef ay tumaas din.

Noong buwan ng Hunyo, ang dating pres­yo ng meat loaf ay P16.75 ngayon ay nasa P17.45 na, corned beef P29.50-P30.95, sardinas P13.45-P14.00, condensed milk P54.50-P56.50 at evaporated milk P39.50-P40.50.

Ayon sa DTI, hindi na kaya ng ilang manufacturer ang pagtaas ng presyo ng mga raw material at sinabayan pa nang paghina ng piso kontra dolyar.

Pero hindi pa umano nagtaas ang ilang supermarket ng presyo dahil lumang stock pa ang kanilang ibinibenta at dapat na magtaas lamang kapag bumili na sila ng mga bagong paninda.