Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Meralco-MVP pinagmulta sa ‘shock bill’

0 268

Pinagmulta ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang Manila Electric Company ni Manny V. Pangilinan ng P19 milyon dahil sa paglabag nito sa mga kautusan ng komisyon kaugnay ng patakaran sa paniningil simula nung lockdown ng Marso hanggang sa community quarantine nung Hulyo.

Sa desisyong pinirmahan nung Agosto 20, 2020, sinabi ng ERC na hindi nilinaw ng Meralco na tantsa lamang o estimate lamang ang basehan ng mga bills na natanggap ng consumers at hindi rin nito sinunod ang minandato ng ERC na gawing installment ang bayaran para sa panahon ng lockdown.

Ani ERC chairperson Agnes VST Devanadera, nakadagdag pa ang Meralco sa pag-aalala ng mga tao ngayong panahon ng pandemya.

“Meralco’s neglect to provide accurate and timely information especially during this time of pandemic has created chaos and confusion to most of the electricity consuming public,” sabi ni Devanadera.

Ayon sa ERC, naglabas ang komisyon ng mga advisories para mabawasan ang kargo ng mga consumers na apektado ng lockdown at community quarantine at inulan ng reklamo ang komisyon dahil sa kapabayaan ng Meralco sa pagsunod ng mga ito.

SM food to go Banner Ad

“This serious neglect by Meralco resulted to a multitude of compaints filed by its consumers to this commission,” sabi ni Devanadera.

Sa pagsusuri ng ERC, tinignan nito ang mga billing statement na tinanggap ng mga consumers na dumulog dito, mga billing statement ng empleyado ng ERC, mga billing statements na pinadala ni Senator Sherwin Gatchalian, at billing statements na pinadala ng National Association of Electricity Consumers for Reforms Inc.

Sa kwenta ng ERC, 190 na araw lumabag ang Meralco sa directiba nito. Ang multa o basic penalty na P100,000 ay ipapataw sa bawat araw na nilabag ang mga direktiba.

Inutusan din ng ERC ang Meralco na tanggalin ang singil para sa distribution, supply, at metering sa mga lifeline consumers o yung mga hindi lumalampas ng 100 kilowatt hours ang kinokonsumo sa isang buwan.

Ayon sa ERC, mahigit 2 milyong pamilya ang makikinabang dito at isang buwan lamang gagawin ito.

Pinasusumite ng ERC ang Meralco ng report sa pagsunod nito sa kautusan ng desisyon sa loob ng 15 araw at kailangang ilahad nito kung ilang customers nito ang nakinabang sa one-time discount sa metering charges at kung magkano ang kabuuang diskwentong ibinigay. (Eileen Mencias)

Leave A Reply

Your email address will not be published.