Una sa Balita

Meralco-MVP kinuyog sa dagdag bayarin

0 297

“MERALCO ganid!”

Ito ang sigaw ng grupong Bayan Muna nang lusubin ang tanggapan ng Manila Electric Company (Meralco) ni Manny V. Pangilinan sa Kamu­ning, Quezon City kahapon.

Mariing tinututulan ng grupo ang taas singil sa kuryente dulot ng diumano’y kahina-hinalang pagdedeklara ng red at yellow power alert.

Bitbit ng mga nagprotestang mi­yembro ng grupo ang mga placard na nagsasaad ng mga katagang: “NO TO POWER RATE HIKE!” “NO TO MISSIONARY CHARGE INCREASE” at “MERALCO GANID.”

Para maitampok ang pag-angal sa taas singil ng kuryente humiga pa sa kalye ang mga nagsagawa ng kilos protesta.

Ayon kay Bayan Muna chairman at Makabayan senatorial bet Neri Colmenares, kahit ngayong araw na sinasabi ng Meralco na normal na ang power situation ng Luzon grid ay nangyari na ang pinsala at siguradong lolobo na ang singil sa kur­yente.

“Ang nangyayari kasi ay lagi na lang sabay-sabay nasisira ang Sual power plant, Calaca power plant at Pagbilao power plant at maging ang Malaya thermal power plant mula pa noong 2012, pero may mga bago na din tulad ng SCPC, SLPGC at SLTEC,” pahayag ni Colmenares.

“Mukhang talagang pinagkakakitaan ng todo ang mga consumer dahil dito at kasama pa ang iba lang pass on charges like the missionary char­ges,” dagdag nito.

Samantala, muli namang iginiit ni Bayan Muna Party-list Rep. Carlos Isagani Zarate na dapat ipag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagrebisa sa power supply agreements (PSAs) ng mga generation company lalong-lalo na ang pitong PSA ng Meralco na tinaguriang “midnight” at “sweetheart” deals dahil batbat ng mga iregularidad at ano­malya.

Tiniyak naman ng Department of Energy (DOE) na may sapat nang suplay ng kuryente sa Luzon dahil sa pagbabalik sa operasyon ng isang power plant. (Aries Cano)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy